Balita

People's Earth Day: Porum at protesta kontra reklamasyon

, ,

Nagsama-sama ang mga mangingisda, grupong maka-kalikasan, mga taong-simbahan at residente ng mga komunidad sa paligid ng Manila Bay sa isang porum at protesta sa Caloocan City at Navotas City kahapon, Abril 20, bilang bahagi ng paggunita sa nalalapit na Earth Day. Iginiit nila ang kagyat na pagpapatigil sa mapangwasak na mga reklamasyon at dredging sa Manila Bay, pati na rin sa iba pang bahagi ng bansa.

Isinagawa nila ang porum sa pangunguna ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Grace sa Caloocan City kung saan nagbigay ng mensahe ang iba’t ibang mga grupo at mga taong simbahan. Nagtanghal din ang mga kabataan ng mga sayaw at dula para ipakita ang kanilang pangangalaga sa kalikasan. Kasunod nito, nagsagawa sila ng protesta at isang “human chain” sa tulay ng Navotas City.

Sa protesta, ipinanawagan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang pagpapatigil sa nagagaganap na demolisyon ng lokal na gubyerno ng Navotas City sa mga tahungan at iba pang istrukturang pangisda sa syudad. Umabot na sa 20 kilometro ng mga istruktura ang winasak nito simula Marso 16.

Nauna nang ipinabatid ng Pamalakaya at ng mga mangingisda ng Navotas na tiyak silang tatamaan ng demolisyon sa itinutulak na 650-ektaryang Navotas Bay Reclamation Project. Ito ay proyekto ng lokal na gubyerno at kasosyo nitong Argonbay Construction Company, subsidyaryo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang.

Sa datos ng Pamalakaya, mula nang simulan ang mga reklamasyon sa baybayin ng Navotas noong nakaraang taon, bumagsak nang 80% ang arawang kita ng mga mangingisda. Ngayong 2024, hindi na rin tumanggap ang lokal na gubyerno ng aplikasyon ng bagong permit para sa operasyon ng mga tahungan dito.

“Libu-libong mangingisda at manggagawa sa pangisdaan na umaasa sa industriya ng tahungan sa syudad ang nawalan na ng kanilang kabuhayan nang walang alternatibo o tulong mula sa gubyerno,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng grupo. Sa harap nito aniya, magpapatuloy sila sa pagtutol sa pagtatanggal sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa mapangwasak na reklamasyon.

Ang 650-ektaryang reklamasyong ito ay isa lamang sa 22 proyektong reklamasyon na aprubado sa Manila Bay. Sa datos ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong 2023, mayroong 187 kasalukuyang umiiral at aprubadong mga proyektong reklamasyon sa buong bansa.

Kaisa ng Pamalakaya sa mga aktibidad at panawagan na ito ang EcoConvergence, Ministry of Ecology-Diocese of Kalookan, People’s Network for the Integrity of Coastal Habitats and Ecosystems, Ecumenical Bishops Forum, National Council of Churches in the Philippines, Promotion of People’s Church Response, Church People-Workers Solidarity (CWS) at grupong Defend Manila Bay.

Nagpaabot din ng suporta sa pagtitipon ang Caritas Philippines. Ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng grupo, kinakailangan ang suporta ng publiko sa pagtatanggol sa Manila Bay dahil malaki ang magiging epekto sa lahat kung masisira ito.

“Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi lamang usaping pangkalikasan. Usapin din ito ng hustisyang panlipunan. Ang Manila Bay ay hindi lamang ecological marvel. Ito ang pinagmumulan ng buhay ng mga mangingisda at buu-buong mga komunidad,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa English.

Sa darating na Abril 22, ipagdiriwang sa buong mundo ang Earth Day o araw ng pagtatanggol sa kalikasan mula sa pangwawasak at pandarambong. Una itong ginunita noong Abril 1970.

AB: People's Earth Day: Porum at protesta kontra reklamasyon