Kumpanyang Dutch, pinananagot sa pinsalang dala ng papel nito sa proyektong reklamasyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta sa harap ng embahada ng The Netherlands kahapon, Marso 22, ang mga grupong maka-kalikasan, syentista, mangingisda at mga residente sa mga baybay ng Manila Bay para singilin ang Boskalis Westminster NV, isang kumpanyang Dutch, sa idinulot nitong pinsala dahil sa dredging para sa proyektong reklamasyon noong 2021-2023. Isang katulad na protesta ang isinagawa naman sa Papendrect, The Netherlands, kung saan naroon ang pangunahing upisina ng Boskalis.

Nagtipon ang mga raliyista na nakapailalim sa koalisyong Defend Manila Bay para papanagutin hindi lamang ang Boskalis kundi pati ang gubyerno ng The Netherlands sa papel nito sa proyekto ng San Miguel Corporation na New Manila International Airport (NMIA) sa Bulacan. Ang mapangwasak na proyektong ito ay naipilit dahil sa mga taktikang intimidasyon ng kumpanya, kakunsabo ang reaksyunaryong militar, ayon sa mga raliyista.

“Tumabo ng kita ang kumpanyang Boskalis Westminster NV sa itatayong mega-airport sa Pilipinas mula sa pinsalang dala nito sa lokal na mga mangingisda, sa kapaligaran sa karagatan at baybay,” pahayag ni Jonila Castro, upisyal ng Kalikasan People’s Network para sa adbokasiya sa kapaligiran kaugnay ng reklamasyon at tubig.

Idiniin ng mga grupo ang pagbalewala ng SMC sa mga pag-aaral kaugnay ng mga pinsalang idudulot ng itatayong paliparan. Anila, pang-aabuso ng kumpanya ang paggamit nito ng militar para mapalayas ang mga residente sa sasaklawin na proyekto.

“Bagama’t natapos na ang dredging ng Boskalis, ang pinsala namang idinulot nito sa aming pangisdaan ay nagpapatuloy at pangmatagalan,” ayon sa grupong Pamalakaya. “Ramdam namin ito lalo kapag malakas ang hangin kung saan ang latak ng hinukay ng barko ay kumakalat pa rin sa dagat na nagreresulta ng paglabo nito at pagdalang ng mga isda.”

Dahil dito, bumagsak ang huli ng mga mangingisda, hindi lamang sa Bulacan kung pati sa Cavite.

“(H)indi sapat na itinigil lamang nila ang operasyon at basta na lamang iniwan ang dagat matapos sirain at pagkakitaan,” ayon pa sa grupo. “Kinakailangan ang pangmatagalang pananagutan sa porma ng kompensasyon sa mga mangingisda at rehabilitasyon ng nasirang dagat.”

Liban sa Boskalis, siningil din ng mga raliyista ang Atradius DSB, isang ahensyang pautangan, na nagpondo ng 1.5 bilyong euro para sa operasyon ng Boskalis.

“Inaprubahan ng Atradius DSB at ng kalihim sa pinansya ng The Netherlands na si Marnix van Rij ang aplikasyon (ng Boskalis) sa kabila ng pagtutol sa proyekto ng mga lokal na komunidad at iba pang grupo pareho sa The Netherlands at Pilipinas,” ayon kay Castro.

Binwelatahan ng mga grupo ang mga kumpanyang Dutch sa pagkakasangkot nito sa reklamasyon gayong nakipagkaisa at nagpopondo pa ang mga ito sa programa para maging sustenable ang Manila Bay.

AB: Kumpanyang Dutch, pinananagot sa pinsalang dala ng papel nito sa proyektong reklamasyon