Mga mangingisda, tutol sa nababalitang itatalagang kalihim sa agrikultura

Tutol ang mga mangingisda kabilang sa grupong Pamalakaya kay Francisco Tiu Laurel Jr bilang posibleng kalihim ng Department of Agriculture. Napabalitang siya ang papalit kay Ferdinand Marcos Jr na nagsisilbing kalihim ng DA mula nang maupo siya sa poder.

Si Laurel ay may-ari ng Frabelle Fishing Corporation, isang kumpanya sa pangisda na may mga upisina sa Navotas at General Santos City. Sangkot ito sa malakihang pangingisda sa laot, at kasalukuyang isa sa pinakamalalaking kumpanya sa pangisda sa bansa.

Liban dito, sangkot ang Frabelle at si Laurel sa proyektong reklamasyon na sumaklaw sa 420 ektarya sa mga baybay ng dalawang barangay sa Cavite na malaon nang tinututulan ng mga mangingisda. Ayon sa Pamalakaya, palalayasin nito ang 700 maliliit na mangingisda mula sa kanilang komunidad. Wawasakin din nito ang mayamang pangisdaan, gayundin ang mga tahungan at talabahan sa lugar.

Isa si Tiu-Laurel sa pinakamalaking kontribyutor sa kampanya ni Marcos Jr noong nakaraang eleksyon. Kasalukuyan siyang myembro ng binuo nitong Private Sector Advisory Council.

AB: Mga mangingisda, tutol sa nababalitang itatalagang kalihim sa agrikultura