Mga manininda sa palengke ng Baguio City, kinundena ang pagsasara ng espesyal na sesyon ng konseho kaugnay sa pribatisasyon
Nagprotesta sa harap ng City Hall ng Baguio City ang mahigit 500 manininda, boluntir at indibidwal na bahagi ng Save Baguio Market Movement (SBMM) noong Nobyembre 19. Tinagurian nila itong Palengke March. Kinundena ng grupo ang naganap na espesyal na sesyon ng mga konsehal ng syudad hinggil sa re-development ng palengke. “Close door” ang naturang sesyon, at hindi pinayagang makinig dito ang mamamayan.
Ayon kay Padmapani Perez ng SBMM, ang sikretong inilipat ng konseho ang espesyal na sesyon mula city hall tungong Camp John Hay. Aniya, nagpapakita dito ng konseho ng syudad ang kawalan ng katapatan hinggil sa proyektong pribatisasyon. Nakakabahala rin, aniya, na karamihan sa aspetong pinansyal ng proyekto ay nakatago sa ilalim ng ‘non-disclosure agreement’ o kasunduan na ipinagbabawal na isapubliko. Ilang araw na lamang ang natitira mula sa 120 araw na palugit para balik-aralan ng konseho ang plano.
Kasabay ng protesta ang pagsumite ng organisasyon ng petisyon laban sa “mallification” o pribatisasyon ng pampublikong palengke ng Baguio sa opisina ni Meyor Benjamin Magalong at mga konsehal ng syudad. Nakakalap ang organisisasyon ng hindi bababa sa 20,000 pirma.
Giit ng grupo, maraming paraan o solusyon para paunlarin ang pampublikong palengke nang hindi binubura ang kultura at kasaysayan ng lugar.