Mga manininda sa Pasay City, nagprotesta para buksan ang Wowee Market
Nagprotesta sa harap ng Pasay City Hall ang nasa 200 myembro ng Wowee Market Vendors Association noong Enero 12 upang ipanawagan ang muling pagbubukas ng kanilang palengke.
Mula sa palengke, nagmartsa ang mga manininda at mga manggagawa patungo sa Pasay City Hall. Pero sa halip na harapin ang mga manininda, nagtago sa loob ng kanyang upisina si Emi Calixto-Rubiano, meyor ng syudad. Ang malala, nagpatugtog nang malakas ang City Hall upang lunurin ang mga panawagan ng mga manininda.Binantaan pa sila mga pulis na bobombahin ng tubig.
Noong Disyembre 19, 2025, ipinasara ng lokal na gubyerno ang Wowee Market nang walang paunang abiso sa mga manininda, Ayon sa lokal na gubyerno, may mga paglabag ang palengke at kulang ang permit para mag opereyt. Ngunit ayon sa mga manininda, ang pagpapasara ay bunga ng pulitikal na giriian ni Calixto at ni Editha “Wowee” Manguera, dating konsehal at tumakbo sa pagka-meyor ng syudad noong eleksyon 2025. Kamag-anak ni Manguera ang may-ari ng naturang palengke.
Dahil sa pagsasara, mahigit 200 manininda at higit 500 manggagawa, kargador, at traysikel drayber ang nawalan ng hanapbuhay. Samantala, libu-libong residente ng Pasay ang nawalan ng murang pamilihan.
Ayon sa mga manininda, hindi makatwiran ang inaalok sa kanila na relokasyon dahil sa mahal ng upa. Hindi rin makatwiran ang itinutulak ng lokal na gubyerno na magbenta na lamang sa bangketa.
Hindi dapat madamay ang maayos at marangal na paghahanapbuhay ng mga manininda sa kung anumang tunggalian ng mga pulitiko, anila.