Mga migranteng biktima ng sunog, nanawagan ng suporta sa gubyerno ng Hong Kong
Nanawagan ang grupong Asian Migrants Coordinating Body (AMCB-IMA), koalisyon ng mga organisasyon ng mga migrante na nakabase sa Hong Kong, sa Department of Labor ng teritoryo ng sapat na proteksyon para sa lahat ng migranteng kasambahay na nawalan ng tirahan at trabaho dahil sa malaking sunog noong nakaraang buwan.
Nasunog ang Wang Fuk Court apartment complex sa Tai Po, Hong Kong noong Nobyembre 26. Nasa 4,000 ang naninirahan dito at 201 sa kanila ay migranteng kasambahay. Karamihan sa mga kasambahay ay Indonesian (119) at Pilipino (82). Umabot sa 146 ang nasawi, kabilang ang isang Pilipinang kasambahay, at 79 ang sugatan. Pitong Pilipino ang nawawala.
Sa liham na ipinadala ng koalisyon kay Chris Sun, kalihim ng Department of Labor, kinilala nito ang mabilis na aksyon sa pagtugon sa pangangailangan ng mga kasambahay na naapektuhan ng sunog, kabilang ang $20,000 na subsidyo at hotline para sa kanila. Gayunpaman, kailangang harapin at tulungan ng kagawaran ang mga nakaligtas na kasambahay para ipirmi ang kanilang trabaho at visa status, ayon kay Shiela Bonifacio, tagapagsalita ng AMCB.
Panawagan ng koalisyon na tiyaking mabigyan ng suportang pinansyal at panlipunan ang lahat ng kasambahay. Pahintulutan din sana sila na manatili sa syudad hanggang sa makakuha silang muli ng trabaho, kung sakaling natapos na ang kanilang kontrata. Sa batas ng Hong Kong, dalawang linggo lamang ang ibinibigay na palugit sa migranteng manggagawa para makahanap ng trabaho bago sila paalisin sa teritoryo.
Nanawagan din ang koalisyon para sa mga social worker na may karanasan sa mga migrante na umagapay sa mga nakaligtas sa sunog. Hiniling din nila ang paglalabas ng gubyerno dito ng impormasyon sa ibang wika maliban sa English at Cantonese na hirap intindihin ng mga migrante. Mungkahi din ng koalisyon ang pagbubuo ng mekanismo upang mapabilis ang pagkuha ng monetary claims o binabawing bayad para sa mga natanggal sa trabaho.
“Umaasa kami na makabubuo ng mas komprehensibong tugon ang gubyerno ng Hong Kong upang matugunan ang sistematikong pang-aapi na nararanasan ng mga migranteng manggagawa, katuwang ang mga konsulado, organisasyon ng mga migrante at mga apektadong mamamayan,” pahayag ni Bonifacio.
___
*Bahagi ng AMCB ang mga balangay ng Bagong Alyansang Makabayan, Gabriela at Migrante sa Hong Kong.