Balita

Mga nakaligtas sa pagsalanta ng Bagyong Tino sa Cebu, nanawagan ng hustisya

,

Nagtirik ng kandila at nagpatunog ng kampanilya ang mga nakaligtas sa pagsalanta ng Bagyong Tino sa Cebu City noong Nobyembre 14. Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas, nanawagan sila ng hustisya sa mga biktima ng sakuna, katiwalian at pagwasak sa kalikasan.

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi bababa sa 232 ang napatay at 112 ang nawawala dahil sa pagbaha at pagkawasak sa mga komunidad na dulot ng Bagyong Tino. Sa Cebu lamang, higit 150 ang napatay habang mayroong 57 indibidwal ang nawawala.

Ayon sa Bayan-Central Visayas, malaki ang pinsala na idinulot ng pagbaha sa prubinsya dahil sa maanomalya at palpak na mga proyektong flood control. Anito, inilantad ng sakuna ang di epektibo at palpak na disenyo at implementasyon ng mga proyektong ito.

Mula 2022 hanggang 2025, mayroong 414 mga proyektong flood control sa Cebu na nilaanan ng gubyerno ng kabuuang ₱26.61 bilyon. “Saan napunta ang badyet para sa mga proyektong flood control, at magkano rito ang nalustay sa korapsyon?” pahayag ni Jaime Paglinawan, tagapangulo ng Bayan-Central Visayas.

Ayon kay Paglinawan, dapat manawagan ang mga Cebuano ng pananagutan para sa mga gawang-tao na sakunang ito na nagdulot ng napakaraming patay, nawawala at nasirang kabuhayan.

Binatikos rin ng Bayan-Central Visayas ang Departmant of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa kabiguan nitong protektahan ang kalikasan na nagpatindi pa lalo ng epekto ng pag-ulan. Ayon sa grupo, sinira ng matinding pagkukwari, pagpapalit-gamit ng lupa, mga proyektong imprastruktura at subdibisyon ang natural na daluyan ng tubig, ang mga bundok at ilog.

“Kailan makakamtan ng mamamayan…ang hustisya? Kailan mapapanagot ang mga responsable sa gawang-tao na mga sakunang ito?” ayon kay Paglinawan.

Ang aktibidad ng Bayan-Central Visayas ay bahagi ng Black Friday Protest na linggu-linggong inilulunsad ng mga grupong bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Sa darating na Nobyembre 30, pamumunuan ng KBKK ang protestang bayan na “Baha sa Luneta 2.0” sa Luneta Park sa Maynila. Ilulunsad din ng grupo ang mga pagkilos sa iba pang bahagi ng bansa. Pangunahing ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”

AB: Mga nakaligtas sa pagsalanta ng Bagyong Tino sa Cebu, nanawagan ng hustisya