Mga organisador ng manggagawa sa Davao City, minanmanan at ginipit ng mga pwersa ng estado
Kinundena ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR) ang mga kaso ng pagmamanman at panggigipit ng Task Force Davao (TFD) laban sa mga organisador ng sentrong unyon at ng Transmision-Piston. Anang KMU-SMR, ang mga insidenteng ito ay hindi hiwa-hiwalay kundi mga kongkretong manipestasyon ng tumitinding atake ng rehimeng Marcos sa kilusang paggawa.
Noong Hulyo 24, tatlong elemento ng TFD sa pangunguna ng isang Sgt. Roy Tamon ang nagmanman at nagpunta sa bahay sa Davao City ni Marvin Dacanay, organisador ng KMU-SMR sa sektor ng agrikultura at manggagawa sa serbisyo. Ipinailalim sa intergoasyon ng TFD ang ama ni Dacanay at inalam ang kinaroroonan niya.
Tulad sa karaniwang modus, walang batayang pinaratangan si Dacanay na bahagi ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Pinilit pa ng mga pwersa ng estado ang ama ni Dacanay na makipagtulungan para kumbinsihin ang anak na “sumuko” at tumiwalag sa KMU-SMR dahil “prente” ito ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.
Dalawang linggo makalipas, dinambot ng apat na pwersa ng estado sakay ng motorsiklo si Jeffrey Uypala, organisador ng KMU-SMR at Transmision-Piston, malapit sa Abreeza Mall sa Bajada, Davao City noong Agosto 8. Ayon sa KMU-SMR, galing sa isang pulong ng mga tsuper si Uypala nang damputin.
Pinilit ng apat na tauhan si Uypala na “makipagtulungan” sa etado at pinangakuhan siya ng tulong pinansyal at proteksyon. Bahagi nito, kinuhanan ng pribadong impormasyon at larawan si Uypala na malamang ay gagamitin para sa dokumento ng “pagsuko.”
Ayon sa KMU-SMR, ang mga pag-atakeng ito sa kilusang paggawa sa Southern Mindanao ay bahagi ng pagpapatupad ng rehimeng Marcos sa National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD). “Layunin [ng plano] na targetin at patahimikin ang mga ligal na demokratikong organisasyon, mga non-government organization, at iba pang mga civil society group na kritikal sa gubyerno ng Pilpinas at mga patakaran nito,” dagdag ng grupo.
Sa nagdaang buwan lamang, naitala ng grupong Karapatan ang katulad na mga kaso ng pagmamanman, panggigipit at panghaharas ng mga pwersa ng estado sa mga organisador at aktibista sa Cagayan, Bulacan, Cavite, Rizal, Aklan, at Marikina City. Tinarget n rehimeng Marcos ang mga lider-magsasaka, lider-kababaihan at mga lider ng maralitang komunidad.
“Sistematikong kampanya ito ng National Task Force-Elcac para takutin ang mga organisasyon at komunidad na nagtataguyod ng karapatang-tao, para higit na ipatupad ang mapanupil nitong mga layunin na nakasaad sa NAP-UPD,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Dagdag pa niya, nilalabag ng mga ito ang karapatan sa pagpapahayag ng opinyon, asosasyon at mapayapang pagtitipon.