Balita

Mga Pilipinang migranteng manggagawa sa Taiwan, bumoto para magwelga

,

Nagpahayag ng pagsang-ayon ang mga manggagawa ng Taidoc Technology Co. Ltd., sa pagkasa ng welga sa gitna ng hayagang paglabag ng kumpanya sa mga batas sa paggawa. Kabilang sa mga paglabag ang sapilitang pagpapalinis sa pabrika, mahigpit na patakaran sa dormitoryo, at hindi makatwiran na mga bayarin. Ito ang pinakaunang welga ng unyon.

Sa inilunsad na botohan noong Disyembre 1, nasa 65.79% ng manggagawa ang bumoto at 92% dito ang sumang-ayon sa desisyon na mag-welga. Kinilala ng New Taipei City Government Labor Bureau ang naganap na botohan.

Ang Taidoc Technology Labor Union (TTLU) ay isang demokratiko at independyenteng unyon ng mga Pilipinang migranteng manggagawa sa Taidoc Technology Co., Ltd. Ito ang pangalawang unyon ng mga migranteng manggagawa sa buong kasaysayan ng bansa.

Nagpahayag ng mahigpit na suporta ang Migrante -Taiwan sa laban ng mga manggagawa.
“Ang laban ninyo, ay laban ng lahat ng migranteng manggagawa sa Taiwan. Ang desisyong magwelga ay nagpapakita ng lakas ng mga migranteng manggagawa na tumatangging magpatakot o paghiwa-hiwalayin. Kapag nagwelga ang mangagawa, tumitindig ang mga migrante at mananatili kaming kasama ninyo hanggang makamit ang hustisya,” pahayag ng grupo.

Bago ang botohan, nagprotesta ang mga kabataang estudyante mula sa National Taiwan University Labor Society, National Chengchi University Seed Society, at National Taiwan Normal University Humanities Society sa Ministry of Labor noong Nobyembre 20. Nagpahayag sila ng suporta sa laban ng TTLU at nanawagan na parusahan ang kumpanyang Taidoc at protektahan ang mga migranteng manggagawa nito.

*Ang kumpanya Taidoc Technology Co. Ltd. ang mayor na taga-gawa ng medical device na ginagamit sa mga ospital sa buong mundo.

AB: Mga Pilipinang migranteng manggagawa sa Taiwan, bumoto para magwelga