Balita

Mga protesta laban sa malawakang korapsyon sa Pilipinas, inilunsad sa Hong Kong

,

Koordinadong mga protesta laban sa korapsyon sa Pilipinas ang inilunsad ng iba’t ibang grupo ng overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong noong Setyembre 14. Naglunsad ng protesta na tinaguriang “Zum-baha ng protesta laban sa korapsyon!” ang mga myembro ng Migrante Hong Kong, Abra Tingguian Ilocano Society- Hong Kong at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Hong Kong sa Statue Square sa Central District ng alas 9-ng umaga, Charter Road ng ala-1 ng hapon at sa Bus 13/City Hall sa alas-3 ng hapon.

Naglunsad din ng protesta sa parehong araw ang United Filipinos in Hong Kong (Unifil-Migrante Hong Kong), Abra Tingguian Ilocano Society- Hong Kong, One2Win coalition, Social Justice, Migrante Hong Kong at Bayan-Hongkong sa labas ng Konsulado ng Pilipinas ng alas-10 ng umaga. Sa dulong bahagi ng programa ay tinanggap ni Assistance-to-Nationals (ATN) Head Vice Consul George Mariano A. Soriano ng Philippine Consulate General in Hong Kong ang Community Statement ng mga migrante upang iparating ito sa Malacanang, kongreso at sa senado.

Ayon sa mga grupo, nakagagalit ang laganap na korapsyon ng mga pulitiko at kasabwat nito sa DPWH at pribadong sektor sa mga flood control project. Sa halip na mabigyan ng buong serbisyo ang mga mamamayan at proteksyon sa OFW, nawawala na ito dahil sa mga kawatan.

“Pwersadong binabayaran ng mga OFW ang kung anu-anong bayarin tulad ng OWWA, PhilHealth, SSS, Pag-IBIG, OFW insurance at iba pa, ngunit kapag kailangan ng ayuda at mga serbisyo, pahirapan ang pagkuha dahil sa marami at mahirap na proseso. Bukambibig pa ng OWWA na napakaliit ng pondo ng ahensya kaya ‘limitado’ ang serbisyo. Tapos napupunta lamang sa korapsyon ang pondo na mula sa pinaghirapan ng mga OFW?” galit na pahayag ng Migrante Hong Kong.

Noong 2024, umabot US$38.34 bilyon ang kinita ng gubyerno ng Pilipinas mula sa remitans ng mga OFW, mas malaki nang 3% kumpara noong 2023. Ayon sa mga grupo, resulta ito ng paglala ang pag-eksport ng mga Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Marcos na tulak naman ng pagtindi ng kawalan ng trabaho sa bansa.

“Dapat tugunan ng gubyernong Marcos ang batayang pangangailangan ng mga Pilipino, sa pabahay, pagkain, edukasyon, ospital at mga serbisyong sosyal. Dapat ito ay libre at hindi mahirap ibigay sa mga nangangailangan. Gamitin ang pera ng bayan para sa mamamayan, hindi lip service at ningas kugon na pagtugon sa mga isyu,” paliwanag ng Migrante Hong Kong.

“Patuloy nating kakalampagin ang gubyernong Marcos, ang Kongreso at Senado para mabigyang hustisya ang mamayang biniktima ng mga mandarambong. Burukrata kapitalismo, ibagsak! Panahon na para baguhin ang sistemang umiiral sa gubyerno!” dagdag ng mga grupo.

AB: Mga protesta laban sa malawakang korapsyon sa Pilipinas, inilunsad sa Hong Kong