Balita

Mga residente ng Nueva Vizcaya na nagbarikada laban sa pagmimina, kinasuhan ng Woggle Corporation

Mariing kinundena ng mamamayan ng Dupax del Norte ang pagsasampa ng Complaint with Application for Temporary Restraining Order and/ or Writ of Preliminary Injuction ng Woggle Corporation laban sa mga residente ng barangay Bitnong na nagbarikada laban sa planong pagmimina sa kanilang bayan.

Nakasampa ang kaso laban sa 21 indibidwal sa Regional Trial Court Branch 30 ng Bayombong, Nueva Viscaya. Sinabayan naman ng protesta ng mga residente ang unang pagdinig ng kaso noong Oktubre 13 upang ipakita ang kanilang pagtutol sa panggigipit ng kumpanya sa mga mamamayan.

Nagpahayag din ng pagkundena ang Kalikasan People’s Network for the Environment, anito, ang mga sinampang kaso ay malinaw na anyo ng paninindak at panggigipit upang patahimikin ang komunidad at durugin ang lumalawak na pagtutol sa mapanirang operasyon sa pagmimina.

Matatandaan nagsimulang magtayo ng barikada ang mga residente noong Seyembre 17 upang harangin ang pagpasok ng mga gamit sa pagmimina ng Woggle Corporation. Karamihan sa mga nagbarikada ay mga magsasaka, katutubo at kabataan. Sinuportahan ng komunidad at maging ng mga karatig na barangay ang tinayong barikada sa pamamagitan ng pagbibigay ng bigas, pera at iba pang pangangailangan ng mga nagbarikada at kanilang pamilya.

Dagdag dito, kinundena din ng mamamayan ng barangay Oyao ang pagsisinungaling ng Woggle Corporation na nagpakalat na nagkaroon na ng pulong-konsultasyon ang kumpanya at mga residente noong Agosto 15. Ayon sa mga residente, walang naganap na konsultasyon at nagpadala ng sulat ang konseho ng barangay sa kumpanya na hindi sila dadalo sa hinihingi na pulong ng kumpanya. Una nang nagpadala ng sulat ang mga punong barangay ng Bitnong, Munguia, Inaban at Parai na hindi sila dadalo sa mga patawag na pulong ng kumpanya. Ang pulong-konsultasyon sa mga residente ay isa sa mga rekisito upang maaprubahan ang exploration permit ng kumpanya.

Naninindigan ang mamamayan ng Dupax del Norte na patuloy ang kanilang pagprotekta sa kanilang lupain at pamumuhay at lalabanan ang pagpasok ng pagmimina sa kanilang bayan.

Ang Woggle Corporation ay subsidyaryo ng Metals Exploration Inc, isang kumpanyang nakabase sa United Kingdom. Inaprubahan ng Mines and Geosciences Bureau ang mineral exploration ng kumpanya noong Agosto na sumasakop sa mahigit 3,100 ektarya o 5 barangay sa Dupax Del Norte.

AB: Mga residente ng Nueva Vizcaya na nagbarikada laban sa pagmimina, kinasuhan ng Woggle Corporation