Balita

Mga sibilyan, mas bulnerable sa sekswal na pang-aabuso ng mga militar, ayon sa Gabriela

,

Balita ngayong araw ang pagsasampa ng dalawang nakababang upisyal ng militar ng kasong panggagahasa at tangkang pangagasa laban sa kanilang superyor na isang mas na upisyal. Ayon sa nakalap na datos ng mga dyaryo, naganap ang insidente noong Enero 29 at napatunayan sa imbestigasyon ang katotohanan nito.

Ayon kay Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, ang mga upisyal ng militar na walang kahihiyang inaaubuso ang kanilang kapangyarihan ay dapat na managot agad sa batas.

“Kung ang ang mga upisyal ng militar ay kayang abusuhin ang mga nakababang upisyal sa kanila, paano pa ka-bulnerable ang mga ordinaryong sibilyan sa mga komunidad na walang paraan para ipagtanggol ang kanilang sarili? Ang power dynamics sa loob ng militar ay nagbubuo ng kundisyon kung saan ang karahasan, kabilang ang sekwal na pang-aabuso, ay umiiral nang walang takot sa kaparusahan” dagdag ni Palce.

Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, hindi na bago ang panggagahasa at sekswal na abuso ng militar sa kababaihan at kabataang magsasaka at maralita sa kanayunan.

Matatandaang may mga ulat ng sekswal na pang-aabuso ang mga militar sa mga baryo na sinasailalim sa militarisasyon tulad ng tatlong magkakahiwalay na kaso ng pangagahasa sa tatlong kababaihan ng mga sundalo ng 16th IB sa prubinsya ng Camarines Norte noong 2024, ng dalawang kababaihan na ginahasa ng CAFGU at mga sundalo ng 203rd IB sa Oriental Mindoro noong 2023 at dalawang kaso ng panggagahasa ng mga sundalo ng 94th IB sa Negros Occidental noong 2023, isang 15 anyos na babae ang dinukot, sapilitang dinitine at ginahasa ng mga CAFGU at sundalo ng 59th IB sa prubinsya ng Quezon noong 2020 at marami pang iba,

“Paulit-ulit naming sinasabi na hindi ito pawang mga isolated cases. Ang padron ng pang-aabuso ay nagmumula sa pinakamataas na ranggo hanggang sa field operations” saad ni Palce.

“Ang kultura ng karahasan at pang-aabuso sa loob ng AFP ay nagpapakita lamang ng nakaugat na problema ng machismo o mababang pagtingin sa kababaihan at kawalan ng pananagutan sa institusyon na ito. Karamihan sa mga biktima ay napipilitang manahimik dahil sa takot na magantihan, lalo na kung ang nang-abuso sa kanila ay makapangyarihang mga lalake na may armas at institusyon na nagpoprotekta sa kanila” dagdag ni Palce.

Nanawagan ang Gabriela na panagutin ang AFP sa lahat ng kababaihan at bata na biktima ng pinaiiral ng estado na karahasan sa bansa.

AB: Mga sibilyan, mas bulnerable sa sekswal na pang-aabuso ng mga militar, ayon sa Gabriela