Balita

Mga sibilyan sa Guihulngan City, binugbog at tinutukan ng baril ng 62nd IB

,

Muling tinarget ng pasistang atake ng 62nd IB ang mga sibilyang magsasaka na pinararatangan nitong may kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga barangay ng Guihulngan City, Negros Oriental. Naitala noong nakaraang linggo ang mga kaso ng pambubugbog, panunutok ng baril at iligal na interogasyon. Sangkot sa mga krimeng ito ang mga sumurender at aktibong aset ng 62nd IB.

Noong Nobyembre 8, binugbog ng mga sundalo ng 62nd IB ang 38-anyos na magsasakang si Boyet Ospar sa Sityo Manlibod, Barangay Trinidad. Pinuntahan si Ospar ng mga sundalo kasama ang ahente ng militar na nagngangalang Yuling Landeza.

Ayon sa BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command), paulit-ulit na isinasangkot ni Landeza ang mga sibilyan sa rebolusyonaryong kilusan kapalit ng pabuyang pera mula sa 62nd IB. Itinanggi na rin ng mga residente ang paratang na si Ospar ay Pulang mandirigma at pinatunayang isa lamang siyang sibilyang magsasaka.

Noong Nobyembre 5, pinuntahan at ipinailalim sa interogasyon ng 62nd IB ang pamilyang Dayono at Geronimo sa Sityo Ponong sa paratang na mga kasapi sila ng BHB. Kasama rin ng mga sundalo si Landeza na direktang lumahok sa pananakot, interogasyon at iligal na pagpasok sa bahay ng mga pamilya.

Tinutukan ng baril ng mga pasistang sundalo si Loring Geronimo habang tinatanong. Isang menor-de-edad naman ang pisikal na inabuso ng mga sundalo na dahilan ng pamamaga ng kanyang tagiliran.

Kasama rin ng mga sundalo at ni Landeza ang iba pang mga taksil at tau-tauhan ng 62nd IB na sina Reymart Dayanan, Orlan dela Peña at Junbim Vargasa.

Samantala, naitala rin sa nagdaang mga linggo ang iligal na okupasyon at pagkakampo ng mga sundalo sa mga eskwelahan sa Central Negros. Naiulat ang presensyang militar sa mga eskwelahan sa Barangay Trinidad, Guihulngan Cty; sa Sityo Paliran, Barangay Pinocawan, Vallhermoso; at sa Barangay Bucalan, Canlaon City. Ang pagkakampo sa mga sibilyang pasilidad ay lubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Sa harap nito, nanawagan si Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, sa mga residente na huwag matakot at tumindig para sa kanilang mga karapatang-tao. “Sa harap ng grabeng panggigipit at pagsasamantala, kinakailangang itaas ang [militansya],” anang tagapagsalita.

AB: Mga sibilyan sa Guihulngan City, binugbog at tinutukan ng baril ng 62nd IB