Mga sundalo, pinalalayas sa mga maralitang komunidad sa Tondo at Batangas

,

Di bababa sa tatlong komunidad ng maralita sa Tondo at Batangas ang dumanas ng panggigipit, panlilinlang at paninindak mula pangalawang linggo ng Marso.

Ayon sa grupong Kadamay, dumating sa komunidad ng Hapilan at Aroma sa Barangay 105, Vitas, Tondo ang humigit-kumulang 90 sundalo ng 11th IB noong Marso 9. Nag-ikot sila para alamin ang kinaroroonan ng mga kasapi ng Gabriela at Kadamay. Ang Hapilan at Armona ay mga komunidad na nahaharap sa mga banta ng demolisyon para bigyang-daan ang proyektong Skyway Extension at land reclamation.

Sa ulat ng lokal na balangay ng Gabriela, muling muling nag-ikot ang mga sundalo at tinatanong ang mga coordinator ng mga building sa Aroma Compound kung sila ay Gabriela o Kadamay noong Marso 14. Bwelta ni Rene Rose Bihag, National Deputy Secretary General ng Gabriela, “Batayang karapatan ninuman ang maging bahagi ng kung anumang organisasyon ang piliin nila. Kung may terorista sa komunidad, hindi kami ‘yun kundi ang mga sundalo na nananakot sa mga ordinaryong mamamayan.”

“Sigurado kami na ang presensya ng sundalo sa komunidad naming ay para mabilis nilang mapatupad ang planong reclamation at pagtatayo ng Skyway Extension na magwawalis sa libong pamilya at magkakait sa amin ng aming kabuhayan, trabaho at tirahan,” ayon kay Bihag.

“Tinitingnan ba (ng estado) bilang banta sa seguridad ang nagkakaisang komunidad na lumalaban para sa batayang karapatan? Sa tuwing nananawagan ang mga tao ng pabahay, ayuda, o relief goods, ang tugon ng gubyerno ay supilin ang kanilang laban at patahimikin ang kanilang tinig…,” tanong naman ng Kadamay.

“Kung mayroong dapat lumayas sa Tondo, hindi kami ‘yun. Ang mga sundalong naghahasik ng gulo ang dapat lumayas. Hindi sila tunay na naglilingkod sa sambayanan,” ayon naman kay Bihag.

Samantala, nagbahay-bahay naman ang mga elemento ng 59th IB sa San Isidro Sur, Sto. Tomas, Batangas tatlong araw matapos nito. “Taong 2021 nang magsimula lumaban ang mga residente ng Sto. Tomas kontra demolisyon,” ayon sa grupo. “(T)aong 2022 naman nang magtagumpay ang Maligaya Homeowners Association sa pagsusumite ng kanilang Community Development Proposal sa kanilang Mayor na si Jun Marasigan. Marso 13 nang puntahan ng mga sundalo ang mga bahay ng tatlo sa mga lider ng Maligaya HOA upang imbitahan umano sila sa isang pulong ukol sa pabahay. Tatamaan ang komunidad na ito sa nakatakdang proyektong Sto. Tomas-Malvar Diversion Road.

AB: Mga sundalo, pinalalayas sa mga maralitang komunidad sa Tondo at Batangas