Mga sundalog Amerikano, kasama ng AFP sa operasyong kombat sa Quezon
Iniulat ng mga residente ng gitnang Quezon ang presensya at paglahok ng pitong sundalong African-American sa operasyong kotra-insurhensya at focused military operation (FMO) ng Armed Forces of the Philippines sa nagdaang mga linggo. Bahagi ang tropang Amerikano sa paghahalihaw at pagsindak sa mga residente sa mga bayan ng Lopez, Gumaca, Macalelon, General Luna, at Catanauan. Nag-ooperasyon sa mga bayang ito ang 85th IB, 16th IB at 81st IB.
Kabilang sa pinakahuling paghahasik ng lagim ng mga sundalo ang dalawang bugso ng istraping gamit ang mga helikopter noong Abril 21 sa Barangay Cogorin Ibaba at Barangay Santo Niño. Ayon sa Tanggol Quezon, nangyari ang walang habas na pamamaril bandang alas-7 ng gabi sa panahong namamahinga na ang mga residente sa kanilang mga tahanan.
“Malinaw na nagdudulot ng kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao at umaantala sa hanapbuhay ng mga mamamayan [ang mga FMO],” ayon sa Tanggol Quezon. Naitala ng grupo sa loob lamang ng isang buwan ang patung-patong na kaso ng arbitraryong pag-aresto, paniniktik at istraping laban sa sibilyang populasyon.
Liban dito, matatandaang sangkot rin ang 85th IB sa nagpapatuloy na panggigipit ng mga pwersa ng estado sa mga kaanak ng magsasakang si Rico Endrinal, residente ng Barangay Sugod. Kasunod ito ng pagdakip sa kanya ng 85th IB at mga elemento ng pulis noong Abril 6 sa hindi pa malinaw na mga dahilan. Walang tigil na paniniktik, pandarahas at pambabanta ang kasalukuyang dinaranas ng pamilya ni Endrinal.