Balita

Mga sundalong naka-engkwentro ng BHB sa Albay, hindi nagsasagawa ng relief operations—mga upisyal ng barangay

,

Inilinaw ng mga upisyal ng Barangay Matanglad, Pio Duran, Albay na hindi nagsasagawa ng “relief operations” ang mga sundalo ng 49th IB na naka-engkwentro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Albay noong Oktubre 27 ng umaga. Sinabi ng kapitan ng barangay na si Liza Paloyo sa panayam ni Henry Maceda ng DZGB-am ngayong araw, Oktubre 28, na walang pamamahagi ng relief o ayuda na naganap sa kanilang komunidad.

Inilinaw ng kapitana na hindi totoo ang ulat ng pulis at militar sa midya na nagkaroon ng pamamahagi ng relief goods. “Kami kasi ang hinahanapan ng relip [ng mga ka-barangay],” kwento niya sa wikang Bikolano. Walang pagbaha sa kanilang barangay dahil mataas na lugar ito, aniya. Wala ring nagbakwit at hindi naman sila lubhang napinsala ng paghambalos ng Bagyong Kristine.

Ayon kay Kap. Paloyo, nabigla na lamang sila nang nakarinig ng putukan sa kanilang barangay noong Oktubre 27. Matapos ang isang oras, nagpasama umano ang kanyang mga nasasakupan malapit sa pinangyarihan ng insidente para asikasuhin ang kanilang mga hayop. Naabutan nila sa lugar ang Philippine Army at umano’y nasugatan na mga sundalo.

Kasunod nito, pinagawa si kapitana ng isang “certificate of legitimate encounter” na nagsasaad ng salaysay ng engkwentro. Nakalagay umano sa sertipiko na nagsasagawa ang mga sundalo ng Humanitarian Assistance Disaster Response Operations (HADR), hindi pamamahagi ng ayuda.

Naglinaw rin sa social media ang tagapangulo ng Sangguniang Kabataan sa Barangay Matanglad kaugnay ng insidente. Aniya, ayaw nilang sila ang lumabas na nagsisingungaling at masama dahil sa pagsasabi ng totoo na walang pamamahagi ng relip na naganap.

Samantala, nag-aalala naman ang ibang residente at lokal na upisyal ng Pio Duran dahil posibleng maapektuhan din nito ang kanilang mga pagsisikap para sa relief operations sa mga lugar na apektado naman ng bagyo.

Naglabas din ng pahayag ngayong araw ang Partido Komunista ng Pilipinas hinggil sa naturang insidente. Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, sinubukang gamitin ng 49th IB ang masamang panahon para mareyd ang BHB sa naturang barangay, gayunman, nabigo umano ang mga sundalo na nagresulta sa pagkasugat ng isang tauhan nito.

AB: Mga sundalong naka-engkwentro ng BHB sa Albay, hindi nagsasagawa ng relief operations—mga upisyal ng barangay