Sa ika-6 na taon ng Omnibus Franchising Guidelines Mga tsuper at opereytor, nagpiket sa LTFRB

Nagtungo ang maliliit na tsuper at opereytor ng dyip sa upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Central Office sa Quezon City noong Lunes, Hunyo 19, upang muling igiit ang pagbabasura sa kontra-mahirap na Omnibus Franchising Guidelines na salalayan ng jeepney phaseout ng gubyerno. Inilabas ang naturang atas ng LTFRB noong 2017.

Iginigiit ng mga drayber at opereytor, sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), na dapat kagyat na ibasura ang naturang kautusan dahil layon nitong tanggalan ng indibidwal na prangkisa ang mga drayber at opereytor, at sa esensya, ipasakamay sa malalaking korporasyon ang mga ruta ng dyip.

Inihain din nila ang binuong nagkakaisang pusisyon ng iba’t ibang grupo sa inilunsad nitong Transport Summit noong Hunyo 10. Lumahok sa naturang aktibidad ang Piston, No to PUV Phaseout Coalition, Ibon Foundation, Suki Network at PARA.

Ayon sa grupong Piston, tandang-tanda pa ng mga drayber at opereytor ang biglang paglipat ng lokasyon ng pulong at pagpirma ng naturang guidelines noong Hunyo 19, 2017 mula sa LTFRB tungong Camp Aguinaldo dahil sa mga pagkilos. “Pero hindi tayo nagpatinag, hinabol natin sila sa Camp Aguinaldo,” ayon sa grupo.

Himutok ng grupo, “anim na taon na ang OFG pero ano ang napala natin? Puro pagpapahirap!”

Matatandaang natulak ang Malakanyang noong Marso 7 na kausapin ang mga kinatawan ng Piston at grupong Manibela Transport Group matapos ang isang araw ng tigil-pasada laban sa jeepney phaseout. Nangako rin ang Palasyo sa dayalogo na irerebyu ang naturang patakaran.

“Ang puno’t dulo ng ating mga demand sa pamahalaan sa ginagawa nilang diumano’y rebyu ng OFG ay ang tuwirang pagbabasura nito, lalo na ang mapaniil na probisyon ng Franchise Consolidation na sapilitang umaagaw sa mga indibidwal na prangkisa ng mga maliliit na operator upang ipasa at pagkakitaan ng mga malalaking kumpanya,” pahayag ng Piston.

Hayag pa nila sa protesta, mag-iisang taon na si Marcos Jr sa poder at papalapit na ang ikalawang State of the Nation Adress niya, “pero parang hindi pa malinaw kung kabilang ba tayong mga manggagawa sa pampublikong transportasyon sa mga nais paunlarin ng gubyerno niya.”

Batikos ng Piston, “baka mga bulsa lang ng pamilya niya at malalapit na kroni ang gusto niyang payamanin?”

AB: Mga tsuper at opereytor, nagpiket sa LTFRB