Balita

Mga unyon, sasama sa protesta sa Luneta sa Setyembre 21

Di bababa sa 16 unyon ang nagsagawa ng sama-samang mga pagkilos sa kani-kanilang mga lugar ng trabaho nitong nakaraang linggo para ipahayag ang kanilang galit sa nabubunyag na korapsyon at anomalya sa gubyerno. Nakahanda silang sumama sa protesta sa Luneta sa Setyembre 21. Binansagan nila itong WORKERS’ DAY OFF PROTEST at nangakong isama ang kani-kanilang mga pamilya. Sigaw nila: MARCOS KUMANDER-IN-THIEF PANAGUTIN!

Sa panawagan ng Kilusang Mayo Uno, nagsuot sila ng t-shirt na pula at nagdala ng mga plakard kontra-korapsyon sa kanilang mga lunch break at uwian.

Kabilang sa mga nagsagawa ng lunchbreak na kilos protesta ang Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Janitorial sa PUP main campus noong Setyembre 13. Sa parehong araw, naglunsad ng “uwian protest” ang mga manggagawa ng Manila Bay Thread Corp. sa Marikina City.

Dalawang magkasunod na araw, noong Setyembre 13 at 14, at muli sa Setyembre 19, naglunsad ng uwian at lunchbreak protest ang mga manggagagawa ng Pambato Cargo Forwarder sa pier sa Maynila. Noong Setyembre 14, naglunsad din ng uwian protest ang mga manggagawa ng Philippine Span Asia Carrier sa parehong daungan.

Sa Negros Occidental, nagsagawa ng lunchbreak protest ang mga manggagawa ng Victorias Milling Company noong Setyembre 15. Kasabay na naglunsad ng parehong protesta ang mga manggagawa ng Bacolod City Slaughterhouse.

Sa Laguna, naglunsad ng mga protesta sa lunchbreak at uwian, at nagkaroon ng protestang zumba, ang mga manggagawa sa Nexperia Philippines noong Setyembre 17.

Noong Setyembre 19, bilang bahagi ng Black Friday Protest, naglunsad ng mga protesta sa lunchbreak at uwian ang mga manggagawa sa Puregold (South Supermarket), Regan Industrial, Fujiweld, Vanson Paper, Kawasaki Motors (Kawasaki United Labor Union), Universal Robina Corp. (Robina Farms), Optodev, Daiwa Seiko Philippines Corp, YYD Interior Systems Inc Unimagna Workers Union, Kaisahan ng Manggagawa sa Himmel at Globesco.

Sa bisperas ng Setyembre 21, naglunsad ng katulad na mga protesta ang Unimagna (Unimagna Workers Union) at Italit (Italit Workers Union).

Nagkaroon din ng protesta ang mga manggagawa ng Philfoods Fresh-Baked Products. Kasabay nilang tinuligsa ang kaaanunsyo lamang ng Wage Board na taas-sahod sa CALABARZON na ₱30, napakalayo sa pangangailangan ng 5-kataong pamilya.

Nagpahayag naman ng pakikisama ang University Hotel Worker’s Union – KMU-NCR sa mga panawagan. Sasama rin ang mga kasapi nito sa protesta sa Luneta.

Sa Cebu, panawagan ng AMA-Sugbo-KMU sa manggagawa na magtipon sa Fuente Osmeña, alas-9 ng umaga sa Setyembre 21. Isa sa mga tiyak na tutugon dito ang Mehitabel Furniture Workers’ Union na nagsagawa ng lunchbreak protest nitong Setyembre 20.

Nakakasa na rin ang pagkilos ng mga manggagawa na pinamumunuan ng KMU-Southern Mindanao sa Setyembre 21 sa Freedom Park sa Davao City.

AB: Mga unyon, sasama sa protesta sa Luneta sa Setyembre 21