Mga upisina ng demokratikong organisasyon sa India, nireyd ng mga pwersa ng estado

,

Nireyd ng mga operatiba ng National Investigation Agency (NIA) ng gubyerno ng India ang mga upisina ng iba’t ibang demokratiko at maka-mamamayang organisasyon sa Andhra Pradesh at Telangana noong Oktubre 2. Sa ulat ng Forum Against Corporatization And Militarization (FACAM), hindi bababa sa 12 organisasyon ang inatake ng mga pwersa ng estado.

Kabilang sa mga organisasyong ito ang Coordination of Democratic Rights Organizations (CDRO), Andhra Pradesh Civil Liberties Committee (AP CLC), Chaitanya Mahila Sangam (CMS), Pragatisheela Karmika Samakya (PKS), Patriotic Democratic Movement (PDM), Praja Kala Mandali (PKM), Vasantha Meghum, Virasam (RWA), Indian Association of People’s Lawyers (IAPL), Kula Nirmulana Porata Samiti (Struggle Committee for Caste Annihilation; KNPS), Amarula Bandhu Mitrula Sangham (ABMS), Committee for the Release of Political Prisoners (CRPP) at Human Rights Forum (HRF). Ang mga pagsalakay ay may kaugnayan sa sinasabing kaso ng “ugnayan sa mga Maoista” ng naturang mga organisasyon noong 2021.

Inaresto sa reyd ang myembro ng komiteng tagapagpaganap ng PKS sa Andhra Pradesh na si Chandra Narasimhulu. Pinalalabas ng gubyerno ng India na nakuha sa kanya ang 1.3 milyong rupee at isang pistola na mayroong mga bala. Sa ulat ng FACAM, iginiit ng pamilya ng biktima na ang pera ay para sa kasal ng kanyang anak.

“Ang mga organisasyong ito ay matagal nang naninindigan laban sa mga paglabag sa karapatang-tao at panunupil sa demokratikong paggigiit laban sa pandarambong ng mga korporasyon sa hitik-sa-likas na yamang gitnang rehiyon ng India,” ayon sa FACAM.

Sa katunayan, ang CDRO ay isa sa mga nanguna sa isang fact-finding mission sa Sukma District sa estado ng Chhattisgarh noong unang hati ng taon. Inimbestigahan nito ang kalagayan ng mga katutubo at magsasaka sa lugar na naapektuhan ng pambobomba mula sa ere ng mga pwersa ng estado noong Enero at Abril.

Ayon pa sa FACAM, ang mga mga reyd na ito ay bahagi ng padron na isinasagawa sa buong bansa ng India laban sa mga progresibo at demokratikong organisasyon sa alegasyon ng “ugnayan sa mga Maoista.” Malinaw umano na ang mga grupong inaatake ng estado ay ang mga nanininigan laban sa mapangwasak na pagmimina, pandarambong ng mga korporasyon at nagsisiwalat sa mga brutal na paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Indian.

Liban sa naturang mga grupo, nakararanas din ng panggigipit at reyd ang iba pang mga organisasyon sa ibang estado ng India sa mga alegasyong “Chinese Terror Funding.” Anang FACAM, ginagawa ito para supilin at patahimikin ang lahat ng boses ng pagtutol at kritisimo sa gubyerno ng India.

Sa tala ng FACAM, ang serye ng koordinadong mga reyd ay isinagawa sa 64 na lokasyon sa mga estado ng Jharkhand, Bihar, Uttar Pradesh, Andhra Pradesh at Telangana.

AB: Mga upisina ng demokratikong organisasyon sa India, nireyd ng mga pwersa ng estado