Mga upisyal ng dating rehimeng Duterte na may kriminal na pananagutan, tumalilis sa ibang bansa
Inulan ng batikos ang dating mga upisyal ng rehimeng Duterte na sina Harry Roque, Royina Garma at Jeffrey Celiz, na pawang tumalilis ng bansa para iwasan ang kani-kanilang mga kriminal na pananagutan sa mamamayang Pilipino.
Si Roque at Garma ay kapwa nagpepetisyon para sa “asylum” o sangtwaryo, si Roque sa The Netherlands habang si Garma sa US. Pareho nilang idinadahilan ang “pampulitikang panggigipit” at itinatanggi ang kanilang kriminal na pananagutan. Si Celiz naman ay tumalilis tungong Canada at ngayon ay nanghihingi ng “tulong pinansyal” mula sa mga Pilipino para buhayin ang sarili.
Lahat sila’y tumabo ng limpak-limpak na salapi bilang mga tauhan ni Duterte–si Roque bilang tagapagsalita, si Garma bilang opereytor ng huwad na gera kontra-droga, at si Celiz bilang isa sa nangungunang Red-tagger ng pasistang NTF-Elcac.
Sa The Netherlands, tuluy-tuloy na lumalawak ang suporta sa sinimulang petisyon ng mga Pilipino doon para himukin ang gubyernong Dutch na tanggihan ang hiling na asylum ni Roque. Nahaharap si Roque sa kasong “contempt” sa Pilipinas matapos siyang tumanggi na humarap sa imbestigasyon sa Kongreso kaugnay sa human trafficking at iba pang krimen.
Samantala, nahaharap sa kasong pagpatay at bigong pagpatay si Garma sa pinuno ng PCSO na si Wesley Barayuga at tatlong drug lord na Chinese. Natukoy rin ang kanyang naging papel sa paglaganap ng “modelong Davao” ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa buong bansa noong upisyal pa siya ng PNP. Lumipad sa US si Garma noong Nobyembre 2024. Hindi pa siya nakaaabot ng bansa ay kinansela na ang kanyang visa. Kasalukuyan siyang hawak ng mga awtoridad ng US.
Sa kanyang bahagi, si Celiz ay pinangalanan ng mga progresibong indibidwal at organisasyon sa marami isinampang kaso ng Red-tagging. Sa isa sa mga ito, ipinag-utos ng korte na bayaran nila ng kapwa niyang Red-tagger na si Lorraine Badoy, ng danyos na ₱2 milyon ang mamamahayag na si Atom Araullo sa pinsalang idinulot niya sa pagkatao nito.