Migrante Canada, nakiisa sa laban ng mga manggagawa ng Air Canada
Nagpahayag ng pakikiisa at pagpupugay ang Migrante Canada sa mga myembro ng Canadian Union of Public Employees (CUPE), unyon na sumasaklaw sa mga empleyado ng Air Canada, at sa kanilang matagumpay na welga. Ang Air Canada ang pinakalamaking ‘airline’ sa bansa.
“Ang tagumpay ng kanilang unyon ay hindi lamang para sa kanila kundi para sa buong kilusang paggawa. Ipinapakita ng laban na ito na kapag ang mga manggagawa ay organisado at hindi takot, kaya nilang manalo laban sa pagsasamantala at pang-aapi,” pahayag ng Migrante Canada.
Noong Agosto 16, naglunsad ng welga ang 10,000 flight attendant mula sa Air Canada at Air Canada Rouge, sa pangunguna ng CUPE, sa mga paliparan sa Toronto, Montreal, Vancouver at Calgary. Dahil dito, naobliga ang Air Canada na isuspinde ang higit 700 na byahe,na umantala sa paglalakbay ng 130,000 pasahero kada araw. Noong Agosto 17, gamit ang section 107 ng Canada Labour Code, ay inutusan ng gubyerno ang CUPE na bumalik sa trabaho ngunit hindi nagpatinag ang unyon. Ang section 107, ang nagpapahintulot sa ministro sa paggawa na mag-utos sa unyon na itigil ang welga upang panatalihin ang kaayusan at kapayapaan sa industriya.
Ayon sa unyon, ilang taun nang kalakaran ng mga kumpanya sa airline sa iba’t ibang bansa ang hindi pagpapasahod sa mga flight stewardess kapag wala sila sa eroplano o nasa terminal lamang sa tinatawag na ‘ground time’. Tuwing nasa ‘ground’ ang mga flight attendant, sila ang nangangasiwa sa pagsakay at pagbaba sa eroplano ng mga pasahero. Hindi rin binabayaran ang kanilang oras sa pagitan ng mga byahe. Sa gayon, hindi sila binabayaran sa trabahong umaabot sa 35 oras kada buwan.
Panawagan ng unyon ang kompensasyon para sa ‘ground time’ na hindi binabayaran, mas mataas na sahod at mas maayos na kundisyon sa paggawa.
Noong Agosto 19, itinigil na ang welga matapos na mapilitan ang kumpanya na makipagnegosasyo sa unyon.