Balita

Migrante sa South Korea, hindi makatarungang inaresto at idinetine

,

Kinundena ng Katipunan ng mga Samahang Migranteng Manggagawa sa Korea (KASAMMA-KO) ang pag-aresto at pagdetine ng mga elemento ng Suwon Central Police Station kay Armand (hindi tunay na pangalan), isang migranteng Pilipino, noong Abril 18.

Dinakip si Armand ng mga pulis habang dumadalo sa ikalawang pagdinig sa kanyang kaso sa Gyeongi Regional Office of the Ministry of Employment and Labor laban sa kumpanyang Seo Seokjae Co. Ltd. Nagsampa ng reklamo si Armand laban sa kumpanya upang igiit na makuha ang kanyang huling sahod at separation pay.

Naiulat na ipinaaresto siya ng kamag-anak ng may-ari ng kumpanya na naroon rin sa naturang pagdinig kaugnay naman sa mga manggagawang hindi dokumentado.

Sampung taon nang nagtatrabaho si Armand sa kumpanya.

Ayon sa KASAMMA-KO, ang insidenteng ito ay bahagi ng malawakan at sistematikong pagtugis ng estado ng South Korea sa mga hindi dokumentationg migrante sa kanilang bansa. Ang pag-aresto kay Armand ay nagpapakita ng kawalan ng pagkilala ng estado sa karapatan ng mga migrante at manggagawang migrante.

Ang hindi makatarungan at hindi makataong pagtugis sa mga hindi dokumentadong migrante ay nagpapalakas ng loob sa mga kumpanya na labagin ang mga batas sa paggawa at abusuhin ang kanilang mga manggagawa, dokumentado man o hindi, at kumikitil sa karapatan ng mga manggagawang migrante na magpahayag ng saloobin, magreklamo at humingi ng hustisya.

Kinundena rin ng International Migrants Alliance (IMMA) ang hindi makatarungang pag-aresto at pagdetine kay Armand. Nanawagan sila na agarang palayain si Armand nang walang kundisyon at imbestigahan ang Gyeonggi Labor Office at Suwon Police sa kanilang pagkait ng hustisya sa biktima. Dapat ding panagutin ang anak ng kapitalistang may-ari ng kumpanya sa paglabag sa batas sa paggawa at sa pananakit kay Armand.

Antio, dapat protektahan at hindi parusahan ng gubyerno ng South Korea ang batayang mga karapatan ng mga migrante, at dapat panagutin ang mga mapang-abusong mga negosyo. Dapat ipatupad ng lahat ng estado ang UN International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families (1990). Dapat ding pigilan ang mga bansa tulad ng South Korea sa pagtrato sa mga migrante bilang kriminal at magpatupad ng programa na magsasadokumento sa kanila alinsunod sa internasyunal na batas.

AB: Migrante sa South Korea, hindi makatarungang inaresto at idinetine