Balita

Mimi Doringo at mga lider ng Kadamay, "pinisikal" ng lokal na upisyal ng Laguna

,

Ginipit ng isang upisyal ng Santa Rosa City Disaster Risk Reduction and Management Council, ang koordineytor ng Kadamay-Laguna, kasama si Mimi Doringo, pambansang pangulo ng Kadamay at kandidato pagkasenador ng Makabayan, sa isang pulong kung saan nakikipagkonsultahan ang Kadamay sa mga bakwit mula sa Pulong Bukid, Sta. Rosa, Laguna.

Ayon sa mga ulat, agresibong hinarap at pinisikal ng isang nagngangalang Antonio Lu si Doringo at mga myembro ng Kadamay habang nakikipagnegosasyon ang mga residente ng Pulong Bukid sa kanilang kalagayan. Habang isinasagawa ang negosasyon, nakabantay ang mga pulis na nagdulot ng takot sa mga bakwit.

Noon pang nakaraang taon nasa evacuation center ang mga residente ng Pulong Bukid matapos masunog ang kanilang komunidad.

“Hanggang ngayon, walang konkretong plano para sa relokasyon at mga oportunidad na pang-ekonomya na naibigay ang estado sa mga mamamayan,” pahayag ng Kadamay. Nananatiling tahimik, anito, ang Santa Rosa City sa pagbibigay ng konkretong aksyon upang malutas ang sitwasyon.

Magkasamang pinananagot ng Kadamay National at Kadamay Laguna si Santa Rosa City mayor Arlene Arcillas sa kalunus-lunos na kalagayan ng mga biktima ng sunog. Hinamon nila ang alkalde na direktang makipag-ugnayan sa mga bakwit.

“Dapat ipagkaloob ng gubyerno ang karapatan ng mga tao sa disenteng pabahay at mga oportunidad sa ekonomya para sa mga maralita sa halip na pagsilbihan ang mga naghaharing-uri at mga mayayaman,” ayon sa Kadamay.

AB: Mimi Doringo at mga lider ng Kadamay, "pinisikal" ng lokal na upisyal ng Laguna