Muling pagpapaliban sa eleksyong BARMM, tinutulan ng Bangsamoro
Sa ikatlong pagkakataon, ipinagpaliban ng Commission on Election ang eleksyong parlamentaryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sanang idaos sa Oktubre 13. Ito ay matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang Bangsamoro Autonomous Act 77 (BAA 77), na nagtakdang ilipat ang pitong pwesto sa parlamento na orihinal na nakalaan para sa Sulu sa ibang distrito ng BARMM.
Ipinawalambisa din ng korte ang Bangsamoro Autonomous Act 58 (BAA 58) o Bangsamoro Parliamentary Districts Act ng 2024, ang orihinal na batas na naghahati sa BARMM sa mga distrito, kasama pa ang Sulu. Inatasan ng korte ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na gumawa ng bagong hatian ng mga distrito at isumite ito sa korte sa Oktubre 30. Inilipat din nito ang pagdaraos ng eleksyon sa katapusan na ng Marso 2026.
Hindi bahagi ng BARMM ang Sulu matapos tumanggi ang mayorya ng mga residente nito na ipaloob ang kanilang prubinsya BARMM. Ibig sabihin, nananatiling regular na prubinsya ang Sulu sa ilalim ng pambansang gubyerno.
Isa sa agad na bumatikos sa desisyon ng Korte Suprema ang kongresista ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong. Aniya, nagulat siya sa hakbang ng korte na ipagpaliban ang eleksyon, gayong ang iniharap lamang dito na petisyon ay kaugnay sa BAA 77. Aniya, nararapat na ang petsa ng eleksyon ay itinakda ng Senado at Kongreso.
Una nang naglabas ang korte ng temporary restraining order (TRO) laban sa BAA 77 noong Setyembre 16. Ginamit ito ng Comelec para pansamantalang itigil ang preparasyon para sa eleksyon. Ayon sa Comelec, “hindi ligal at imposible” na ipatupad ang BAA 77 at magdudulot lamang ito ng kalituhan, disenfranchisement at pagkabalam sa pag-iimprenta ng mga balota at makinang gagamitin sa eleksyon.
Ang desisyon ng Comelec ay tinutulan ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), partido ng MILF, at ng Bangsamoro Party (BaPa) ng MNLF. Ayon sa UBJP, kahit hindi ipatupad ang BAA 77, may mga batas sa eleksyon na pwedeng pagbatayan ang Comelec para di ito “maparalisa sa pagtupad sa tungkulin nitong idaos ang eleksyon sa BARMM.” Noong Setyembre 26, nagprotesta ang mga kasapi ng UBJP sa harap ng upisina ng Comelec para iparating ang kanilang mga hinaing.
“Handang-handa na kami sa eleksyon,” pahayag ni Al Haj Murad, presidente ng UBJP at chairman ng MILF. Itinuturing niya at ng Bangsamoro ang eleksyong idadaos sana sa Oktubre bilang “susi para maitatag ang liderato na ang mga Bangsamoro ang mamimili.”
“Ang ating isinusulong ay ang agarang pagdaraos ng eleksyon. Sapagkat hangga’t walang halalan, mananatiling bukas ang pintuan para sa patuloy na pakikialam ng Gubyerno ng Pilipinas sa pamamahala ng BARMM,” aniya.
Ayon sa UBJP, hindi lamang tungkol sa pagboto ang eleksyon. Mas mahalaga, ito ay pagrespeto sa awtonomiya, paggalang sa mga kasunduan sa kapayapaan at pagpapatibay sa karapatan para sa pagpapasya-sa-sarili ng mamamayang Moro.