Balita

Namartir na dating estudyante ng UP Cebu, pinagpugayan ng kabataang Cebuano

,

Nagtipon at sama-samang nagtirik ng kandila ang mga kabataang Cebuano sa University of the Philippines (UP)-Cebu noong Abril 29 para bigyang-pugay si Dee Supelanas, isang alumni ng UP-Cebu. Si Suplenas, o Ka Dahlia sa masa sa Negros, at kanyang mga kasama sa Kabankalan 7, ay mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island na napatay noong Abril 27 sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental.

Kasama ni Suplenas sina Reniel Locsin Cellon (Ka Randy), Mary Jane Magquilat (Ka Shonie), Charity Amacan (Ka Mayang), Johnrey Mejares (Ka Jai), Glenda Tinio Mejares (Ka Glendyl), at Ka Pitong. Tatlo sa kanila ay mga senior citizen at mayroong kundisyong medikal na dahilan ng kanilang kahirapan na makakilos ngunit patuloy na nagsilbi sa hukbong bayan.

Bago nagsilbi bilang Pulang mandirigma, si Suplenas ay isang aktibista at lider-estudyante sa UP-Cebu. Pinamunuan niya ang mga kampanya para sa edukasyon, serbisyog panlipunan, demokratikong karapatan at paglaban sa tiraniya at pasismo. Nagsilbi siyang lider ng UP Cebu student council, naging koordineytor ng National Union of Students of the Philippines-Cebu at nagsilbing pangkalahatang kalihim para sa kasapian ng KASAMA sa UP. Naging nominado rin si Dee para maging ika-38 UP Student Regent.

Naging susi rin ang tungkulin ni Dee bilang bahagi ng komiteng tagapagpaganap para sa muling pagbuhay sa Anakbayan UP Cebu. Matapos nito, nagsilbi siya bilang tagapagsalita ng Kabataan Partylist Cebu noong 2021. Bilang transwoman, mahigpit ring nakibaka si Dee para sa karapatan ng mga LGBT+.

“Ang buhay ni Dee Supelanas ay sanlibong bulaklak sa rebolusyonaryong hardin. Mananatili siya sa bawat pulang bandilang iwinawagayway, bawat landas sa kabundukang tinatahak ng mga Pulang mandirigma, bawat panawagan para sa lupa, hustisya, at kalayaan na umaalingawngaw sa buong kapuluan,” pagpaparangal ng Anakbayan-Cebu.

Anang grupo, malinaw sa kanila kung bakit pinili ni Dee na maging isang Pulang mandirigma. “[Sa kahirapan, pagsasamantala at pasismo ng naghaharing-uri] na kanyang nasaksikan, at kanyang matindi at malalim na pagkaunawa sa lipunan ng Pilipinas kaya siya natulak na bagtasin ang mga kabundukan ng Negros at sumapi sa armadong rebolusyonaryong pakikibaka at maging isang natatanging anak ng digmang bayan, para maging kabalikat ng mga magsasaka at manggagawang kanyang minahal,” ayon sa Anakbayan-Cebu.

“Dee, ikaw rin, ay mahal ng masang iyong pinaglingkuran. Ikaw ang kanilang pinakamamahal na anak, kasama at hukbo ng mahihirap,” dagdag pa ng grupo.

Pinasinungalingan rin ng Anakbayan-Cebu ang pinakakalat na paninira ng Armed Forces of the Philippines at ng National Task Force-Elcac laban kay Dee. Anito, “nagpapakalat ang kaaway ng kasinungalingan na ikaw ay na-brainwash, ngunit ang unibersal na katotohanan ng tunggalian ng mga uri at ang pangangailangan para sa digmang bayan ay hindi nila madaling mapapawalang-saysay mula sa isang tulad mong napakatalino.”

Pagdidiin ng grupo, isang pangangailangan at hindi matatakasan ang rebolusyon, at napatunayan na ito sa kasaysayan. “Bunga ito ng determinasyon ng masa na tugunan ang mga batayang suliranin ng mamamayang Pilipino,” anito.

Bumuhos ang pagpaparangal at pagdakila kay Dee ng iba’t ibang organisasyon, mga kaibigan, dating kasama at kapwa lider-estudyante. Kinilala nila ang natatangi niyang katapangan at lakas ng loob para ialay ang buhay sa demokratikong rebolusyong bayan ng BHB na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Sa pagtatapos ng pagtitipon sa UP Cebu, nag-alay ng mga bulaklak, panalangin at nagtirik ng kandila ang kabataang Cebuano.

AB: Namartir na dating estudyante ng UP Cebu, pinagpugayan ng kabataang Cebuano