Balita

Namartir na pangkalahatang kalihim ng CPI (Maoist), pinarangalan ng PKP at ibang mga partido komunista

, ,

Nagbigay-pugay ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at iba pang internasyunal na mga partido at organisasyon kay Kasamang Basavaraju (Nambala Keshava Rao), pangkalahatang kalihim ng Communist Party of India (Maoist), na namartir kasama ang 27 iba pa noong Mayo 21. Pinatay sila sa tinaguriang Masaker sa Gundekote, sa Abhujmad sa bahagi ng distrito ng Narayanpur sa Chhattisgarh, India.

Ayon sa ulat ng Dandakaranya Special Zonal Committee ng CPI (Maoist), ang 27 mga kasama at mandirigma ng People’s Liberation Guerilla Armya (PLGA) ay napatay sa pagkubkob ng libu-libong militar at pulis ng reaksyunaryong estado sa kanilang kampo. Isiniwalat nito na matapos ang mga labanan ay buhay na nadakip si Kasamang Basavaraju at sadyang pinaslang ng mga berdugong tauhan ng rehimeng Modi.

Sa kanilang pagkamartir, mataas na itinanghal ng PKP at Bagong Hukbong Bayan ang mga Pulang bandila nito para bigyang-pugay at ibigay ang pinakamataas na pagkilala sa kanila. “Nag-alay [sila] ng sukdulang sakripisyo sa pakikibaka para sa rebolusyonaryong adhikain ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan ng India, at sa adhikain ng pandaigdigang proletaryo,” pahayag ng Komite Sentral ng PKP.

Anang pamunuan ng PKP, “ang masaker ay lansakang pagpapakitang-gilas sa layuning sindakin ang mamamayan ng India, para pwersahin silang yumuko at sumuko sa imperyalismo at terorismo ng estado.” Malinaw umanong isinagawa ito ng pasistang rehimeng Modi para mapakita ng lakas, subalit higit lamang nitong inilantad ang kabulukan ng naghaharing sistema at ang lumalalim na pampulitikang krisis nito.

Ang Masaker sa Gundekote ay pinakahuli lamang sa mga brutal na masaker at pag-atake ng rehimeng Modi laban sa mamamayang Indian, Adivasi at mga rebolusyonaryo sa ilalim ng inilulunsad nitong Operation Kagaar. Sinimulan ito noong Enero 2024 at kinatampukan ng pagpapakat ng puu-puong libong tropang militar at pulis para kamkamin ang lupain ng mga Adivasi.

Tinadtad rin ang mga komunidad ng Adivasi ng mga kampo at detatsment ng militar, para bigyang-daan ang mga imperyalista at lokal na malalaking kapitalista na dambungin ang yaman ng lupa. Sa utos ng rehimeng Modi, nagsagawa ang mga reaksyunaryong pwersa ng mga kampanya ng aerial bombing gamit ang mga drone at jet fighter na ibinigay ng US at Israel, at sunud-sunod na mga masaker kapwa sa mga gerilyang mandirigma at sibilyan.

“Isang katulad na kampanya ng todong panunupil na idinidirehe ng US ang isinagawa sa Pilipinas, gamit ang parehong estratehiya ng paggamit ng napakalakas na pwersang militar, sa imbing pagtatangka na sindakin ang mamamayan at wakasan ang kanilang armado at hindi armadong paglaban,” ayon sa Komite Sentral.

Katulad sa India, saanman isinasagawa ng mga armadong pasista ang kanilang karahasan, kasunod nito ang naglalaway na mga multinasyunal na korporasyong Amerikano, dala ang kanilang mga makina, sabik na sakupin ang mga lupain. “Gayunpaman, habang dumarami ang kalupitan at brutalidad ng mga reaksyunaryong pwersa laban sa masang magsasaka at minoryang mamamayan, lalo rin silang kinamumuhian ng mamamayan, na walang ibang pagpipilian kundi ang tumangan ng armas at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at buhay,” anito.

“Lubos na nagkakamali ang pasistang rehimeng Modi at kanyang mga imperyalistang amo sa pag-aakalang ang pagkamatay ni Kasamang Basavaraju ay magdudulot ng pagkatalo ng CPI (Maoist) at ng digmaang bayan sa India,” ayon sa Komite Sentral.

Pinaumunuan, tinuruan, at pinatatag ni Kasamang Basavaraju ang libu-libong mga komunistang kadre at rebolusyonaryong mandirigma (Naxalites) sa ilang dekadang paglahok sa dimang bayan. “Sa kamatayan, ang kanyang kabayanihan at pagkamartir ay tiyak na magbibigay inspirasyon sa mas marami pa na lumaban nang walang takot, at nang may mas matibay na determinasyon na isulong at ipagtagumpay ang digmaang bayan,” pahayag ng Komite Sentral.

Pinagpugayan ng PKP ang hindi masusukat na ambag ni Kasamang Basavaraju, lalo na sa pagtatatag ng PLGA noong 2000 at sa pamumuno dito sa maraming tagumpay sa pagbubuo ng mga rebolusyonaryong base at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pwersang pasista. Humalili siya sa pamumuno ni Kasamang Ganapathy noong 2018 at nagsilbi bilang pangkalahatang kalihim mula noon.

“Nagniningning ngayon ang kanyang pangalan sa hanay ng mga imortal na bayani ng epikong digmang bayan sa India at ng mga rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang paglaya at sosyalismo sa buong mundo,” pahayag nito. Paliwanag pa ng komite, sa pagdadala ng sulo ng armadong pakikibaka sa India ay tinulungan ni Kasamang Basavaraju na tanglawan ang landas ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, lalo na sa mga nagdaang dekada ng mga kabiguan at pagkatalo ng mga pwersang sosyalista sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa harap ng pagkamartir ni Kasamang Basavaraju, ipinahayag ng Komite Sentral ang lubos na tiwala sa Komite Sentral ng kapatid nitong CPI (Maoist) na kaagad itong pipili ng isang pinunong simpantay ang husay kay Kasamang Basavaraju upang akuin ang hinawakan niyang mga responsibilidad. Anito, “kumpyansa kami na sa pagsasama ng karunungan ng mga nakatatandang kadre at ng sigla at talino ng mga nakababatang kadre, mapangingibabawan ng CPI (Maoist) ang lahat ng pagsubok, magpapatuloy sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, at magkakamit ng higit pang tagumpay sa digmang bayan sa India.”

Nagpahayag rin ng kanilang pagpupugay kay Kasamang Basavaraju ang International Committee to Support the People’s War in India (ICSPWI), Communist (Maoist) Party of Afghanistan, TKP-ML (Communist Party of Turkey/Marxist–Leninist) at armadong pwersa nitong TİKKO (Workers and Peasants Liberation Army of Turkey) at ang Political Bureau Communist Party of Greece (M-L).

AB: Namartir na pangkalahatang kalihim ng CPI (Maoist), pinarangalan ng PKP at ibang mga partido komunista