News

Nawawalang organisador ng Bayan Muna sa Batangas, natunton matapos ang 2 araw

,

Inianunsyo ng Bayan Muna-Southern Tagalog (ST) noong hapon ng Abril 28 na natunton na nito at ng mga kaanak ang nawawalang kampanyador ng partido at organisador ng Kadamay-Southern Tagalog na si Pauline Joy Banjawan. Si Banjawan ay huling nakontak noong hapon ng Abril 26 habang nasa ikatlong distrito ng Batangas at nag-ulat na mayroong kahina-hinalang mga taong sumusunod sa kanya.

Sa paghahanap ng Bayan Muna-ST, nakita si Banjawan sa istasyon ng pulis sa Santo Tomas, Batangas. Ayon sa fact-finding mission na pinangunahan ng partido, dinukot siya ng 59th IB. Napag-alaman din nilang bago siya dalhin sa Philippine National Police Santo Tomas noong alas-9 ng gabi ng Abril 27 ay nakaranas siya ng pisikal at mental na tortyur sa kamay ng 59th IB.

Ayon sa Bayan Muna ST, sinampahan si Banjawan ng gawa-gawang kasong kriminal na illegal possession of firearms and explosives. Ayon sa partido, paraan lamang ito ng militar at pulis para pagtakpan ang patung-patong na paglabag ng mga ito sa karapatang-tao at pang-aabusong dinanas ni Banjawan sa kanilang kamay.

“Malinaw na bahagi ito ng paggamit ng gawa-gawang kaso laban sa mga katulad ni Banjawan na nagsisilbi at nag-uubos ng kanilang lakas para magsulong ng makabuluhang pagbabago at magsilbing boses ng mga anakpawis,” pahayag ng Bayan Muna-ST.

Kinundena rin ng Karapatan-ST ang pagdukot at detensyon kay Banjawan. Anito, ang pagdukot ay bahagi ng nagpapatuloy na militarisasyon ng rehimen na nakadisenyo para supilin ang tunay na oposisyon bago ang eleksyon sa Mayo. “Hindi lamang ito atake sa mga aktibista, kundi atake din ito sa mismong demokratikong proseso,” ayon kay Rev. Luisito Saliendra, tagapagsalita ng Karapatan-ST.

Samantala, isiniwalat ng Karapatan-ST na liban kay Banjawan ay dumaranas rin ng panghaharas at pagmamanman mula sa 59th IB at mga pwersa ng estado si Desiree B. Dimailig, koordineytor ng Gabriela Women’s Partylist sa Batangas at awditor ng Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform-Batangas.

Nanawagan ang Bayan Muna at Karapatan sa rehiyon na kaagad palayain si Banjawan at ibasura ang kasong isinampa laban sa kanya. Giit din nilang itigil na ng 59th IB ang panggigipit sa mga kampanyador sa eleksyong 2025 at mga lider-masa ng mga demokratikong organisasyon.

AB: Nawawalang organisador ng Bayan Muna sa Batangas, natunton matapos ang 2 araw