Balita

NDF-EV: Igalang ang mga karapatan ng nadakip mga sugatang Pulang mandirigma sa Samar

Nanawagan ang National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) sa 8th ID at mga pwersa ng rehimeng Marcos na igalang ang mga karapatan ng dalawang sugatang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nadakip ng 46th IB noong Setyembre 13. Ayon sa NDF-EV, nakatanggap sila ng ulat na nadakip ang mga sugatang sina Ka Aye at Ka Tin-tin kasunod ng mga labanan sa Barangay Concepcion, Paranas, Samar.

“Dapat igalang ang kanilang mga karapatan bilang nadakip na mga kombatant alinsunod sa internasyunal na makataong batas (IHL),” ayon sa NDF-EV. Dapat din silang kagyat na bigyan ng atensyong medikal ng katunggaling armadong pwersa, anito.

Nag-aalala ang NDF-EV sa kalagayan ng dalawang sugatang Pulang mandirigma, laluna at batid nito ang modus operandi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng pagtortyur at pananakot sa mga nadadakip nito. “Ang iba pa nga ay sadyang pinapaslang kahit pa malinaw na sila’y wala nang kakayahang lumaban,” anang grupo.

Kaugnay ng mga ito, nanawagan ang NDF-EV sa mga lokal at internasyunal na grupo sa karapatang-tao na tumulong sa pagtitiyak na kikilalanin ng 8th ID at AFP ang karapatan ng mga hors de combat.

Samantala, naiulat na namartir sa armadong mga labanan si Gerry dela Cruz (Ka Justin). Pinarangalan siya ng NDF-EV sa walang pag-aalinlangang magbuwis ng buhay para sa pambansa at demokratikong adhikain ng masang anakpawis.

AB: NDF-EV: Igalang ang mga karapatan ng nadakip mga sugatang Pulang mandirigma sa Samar