NDF-Negros, nagpahayag ng suporta sa laban para iligtas ang Tañon strait
Nagpahayag ng suporta ang National Democratic Front-Negros sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, taong-simbahan at iba pang mga grupo sa kanilang pagtutol sa bantang pagpapalawak ng coal-fired power plant na Therma Visayas Inc. (TVI) na pag-aari ng mga Aboitiz sa Toledo City, Cebu. Inilunsad ng higit 60 grupo noong Setyembre 18 ang kampanyang “Save Tañon Strait” na tutol sa proyekto dahil masisira nito Tañon Strait na nasa pagitan ng isla ng Cebu at Negros.
Tutol ang mga grupo sa TVI dahil sisirain nito ang Tañon Strait, ang pangalawang pinakamalaking marine protected area sa bansa at kinikilala bilang Important Marine Mammal Area (IMMA). Ang naturang kipot ay nasa pagitan ng prubinsya ng Cebu at isla ng Negros na may lawak na 521,018 ektarya. Mayroong naisadokumentong 14 na species ng balyena at dolphin, kabilang ang nanganganib nang Irrawaddy dolphin.
“Mas malaki ang kapahamakang idudulot ng pagpapalawak ng TVI kaysa sa benepisyo nito kung mayroon man,” ayon kay Ka Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDF-Negros. Lubha umano nitong maaapektuhan ang kabuhayan ng mga nakasalalay sa kipot na isang mayor na pangisdaan para sa mga Cebuano at Negrosanon.
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), higit 40,000 rehistradong mangingisda ang maapektuhan kung masisira ang Tañon Strait batay sa paunang konsultasyon nila sa mga komunidad sa baybayin.
Pagdiiin ng Save Tañon Strait, paglabag ang planong ekspansyon sa moratoryum na ipinataw ng Department of Energy sa karbon noong 2020 at sa Extended National Integrated Protected Area System (ENIPAS) Act. Kinuwestyon ng mga ito ang pagpapahintulot ni Secretary Raphael Lotilla ng Department of Energy sa ekspansyon ng planta noong 2023. Mayroon nang isinampang kaso ng katiwalian at administratibo laban kay Sec. Lotilla noong Hulyo.
Ang Aboitiz Power ay kasalukuyang kumukuha ng permit sa Department of Environment and Natural Resources at National Grid Corporation of the Philippines. Inaasahang magsisimula ang konstruksyon ng ikatlong planta nito sa 2025 na matatapos sa 2028.
“Walang pinag-iba ang proyekto sa malawakang saklaw na pagpapalayas sa mga maralita at mangingisda sa Dumaguete at Bacolod City,” ayon pa kay Ka Bayani. Anang tagapagsalita ng rebolusyonaryong grupo, ang mga tinatawag ng lokal na gubyerno na mga proyektong pangkaunlaran sa mukha ng smart city at coal-fired power plant ay binuo lamang para mapalawak ng mga burgesyang kumprador at panginoong maylupa, kasabwat ang mga burukratang kapitalista, ang saklaw ng kanilang kapangyarihan at negosyo.
“Panibagong neoliberal na iskema na naman ito na itinutulak ng reaksyunaryong gubyerno para magbulsa ng higit pang kita,” pagdidiin pa ni Ka Bayani.
Ang Save Tañon Strait ay pinangunahan ng mga taong-simbahan tulad ni Bishop Gerardo Alminaza, obispo ng Diyosesis ng San Carlos sa Negros Occidental, mga grupong makakakalikasan, kabataan at iba pa mula sa Visayas.
Tiniyak ng NDF-Negros ang tuluy-tuloy na suporta nito sa kampanya para protektahan ang kalikasan. Dagdag pa niya, ang pagpapabaya ng reaksyunaryong gubyerno sa kalikasan ay nagpapakita lamang na tanging ang Demokratikong Gubyernong Bayan ang makapagluluwal ng mahusay na pagtatanggol sa kalikasan.