Network para sa pagpapalaya ng mga bilanggong unyonista, muling inilunsad
Muling inilunsad ng mga manggagawa at kanilang mga kaanak ang Free Our Unionists Network noong Pebrero 20 para ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya sa mga manggagawang sinampahan ng gawa-gawang mga kaso at ikinulong sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Unang binuo ang network noong 2018 matapos ang sunud-sunod na pang-aaresto, panggigpit at detensyon ng rehimeng Duterte sa mga manggagawa.
Ayon sa network, 25 sa 755 detenidong pulitikal sa bansa ay unyonista at organisador ng mga manggagawa. Dalawampu sa kanila ay lalaki at lima ay babae.
Bago ang paglulunsad, tumungo ang mga kamag-anak ng mga bilanggo at kanilang mga tagasuporta sa harap ng Department of Justice sa Maynila para ipanawagan ang pagbabasura sa mga gawa-gawang kaso ng mga unyonistang ibinilanggo, kasama na rin ang pagpapalaya sa kabuuan ng mga bilanggong pulitikal.
Kasama sa network ang mga pamilya nina Ireneo Atadeo, Bob Reyes at Maojo Maga. Lumahok din sa pagtitipon para magbigay ng suporta sina Lean Porquia, nominado ng Bayan Muna Partylist at Rose Dalagan ng Church Workers Solidarity-NCR.
“Ang pag-uunyon at pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa at kawani ay hindi krimen,” ayon kay Cha Campos ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR). “(M)ahalaga sa anumang demokratikong lipunan ang pag-uunyon at pagsusulong ng mga karapatan ng mga manggagawa.”
“Ang pagsupil sa mga unyonista at aktibista sa kilusang paggawa ay bahagi ng pagsupil sa karapatan ng lahat ng mamamayan sa mas maayos na kalagayan sa paggawa at iba pang karapatan,” aniya.








