Balita

Niratsadang pag-apruba sa badyet ng Office of the President, binatikos ng Makabayan

,

Kinundena ng ACT Teachers Party-list at Kabataan Party-list ang niratsadang pag-apruba sa badyet ng Office of the President sa Committee on Appropriations sa House of Representatives noong Setyembre 8. Hindi na rin ito binusisi sa katumbas na komite sa Senado noong Setyembre 10.

Ang pagratsada sa panukalang badyet ng presidente ay karaniwan nang ginagawa ng House of Representatives at Senado sa tabing ng “parliamentary courtesy.” Nanindigan ang ACT Teachers at Kabataan, dapat inuuna ng mga komite ang transparency kaysa sa tradisyon na ito ng mga mambabatas laluna sa harap ng malawakang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, mayroong karapatan ang publiko na marinig ang direktang sagot ng Office of the President at mga kinatawan nito sa mga kritikal na isyu at badyet. Umabot sa ₱27.36 bilyon ang panukalang badyet ni Marcos para sa kanyang upisina sa 2026.

Laman ng panukala ni Marcos ang ang ₱4.5 bilyon para sa confidential and intelligence funds, ₱7 bilyon sa Presidential Social Fund, 340% pagtaas sa badyet ng National Task Force (NTF)-Elcac na ₱8.08 bilyon mula ₱1.95 sa 2025 National Expenditure Program (NEP), pondo para sa ASEAN Summit at iba pa.

Ayon kay Kabataan Rep. Renee Co, hindi makatarungan ang pagtataas ng badyet ng pasistang NTF-Elcac. Pagdidiin niya, hindi ito katanggap-tanggap laluna at mayroong negatibong mga komento at pagtatasa sa ahensya mula sa internasyunal na komunidad kabialng si United Nations special rapporteur Irene Khan na inirekomenda ang pagbuwag dito.

Tinawag ng Kabataan Party-list ang mga hakbang ng mambabatas na iratsada ang pagdinig bilang “selektibong pagpapatupad ng pamantayan ng accountability at transparency.” Isinagawa ito ng mga mambabatas sa harap ng mga pagdinig at pagbatikos sa kabi-kabilang anomalya at korapsyon sa mga proyektong flood control at iba pang imprastruktura.

Giit ng partido sa mga mambabatas: “gawin ninyo ang trabaho ninyo…itigil ang tradisyon ng ‘parliamentary courtesy’ na nagbibigay-daan lamang kay Marcos Jr na makaiwas sa paniningil ng taumbayan.”

Kaugnay ng mga pagdinig, naglunsad ng protesta ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Setyembre 8 sa House of Representatives at noong Setyembre 10 sa Senado. Binatikos nila ang rehimeng Marcos sa bulok na kalakaran sa badyet ng gubyerno.

“Ang dali-daling pag-apruba sa badyet ng Office of the President ay maghahatid ng mensahe na hindi magagambala ang paglarga ng mga proyektong pork barrel, at mananatili ang kaayusan ng pampulitikang padrino sa pakikitungo ng Malacañang sa mga mambabatas,” anang Bayan.

AB: Niratsadang pag-apruba sa badyet ng Office of the President, binatikos ng Makabayan