Balita

Nora Aunor, pinarangalan ng mga grupong pambansa-demokratiko

Nagbigay ng pinakamataas na pagpupugay ang iba’t ibang pambansa-demokratikong organisasyon at sektor sa batikang artistang si Nora Aunor, na pumanaw kahapon, Abril 16.

Si Aunor ay nakilala sa kanyang makapangyarihang pagganap sa mga pelikulang may temang patriyotiko at sosyo-pulitikal tulad ng Himala, Tatlong Taong Walang Diyos, Minsa’y Isang Gamu-gamo, Andrea, The Flor Contemplacion Story, Thy Womb at marami pang iba.

Sa kanyang mga pagganap, isinalaysay ni Aunor ang mga kwento ng kababaihan, ng mahihirap at paglaban nito sa karahasan at kawalang-katarungan.

Iginawad noong 2014 ng grupong GABRIELA, Gabriela Women’s Partylist at Peace for Life ang pagkilalang “Artista ng Bayan” kay Aunor para sa kanyang natatanging papel sa pelikulang “Minsa’y Isang Gamu-gamo.” Sa kanyang pagiging artista ng bayan, matapang siyang nakiisa sa mga adbokasiya ng mga migrante, magsasaka, manggagawa at kababaihan.

Ayon sa pahayag ng Migrante International “Si Nora Aunor ay hindi lang Superstar, siya ay isang Artista ng Bayan na handang tumindig para ipagtanggol ang mga inaapi, handang lumahok sa mga pagkilos ng mamamayan”. Naging bahagi sya sa di na mabilang na mga pagkilos para manawagan ng hustisya sa mga biktima ng pagsasamantala at paglaban sa matinding korapsyon.

Naging tampok ang paglahok niya sa mga pagkilos noong kilusan para sa pagpapatalsik sa noo’y nakaupong presidente na si Joseph Estrada o #ErapResign. Maaalalang nakiisa rin si Aunor sa mga pagkilos sa pagkundena sa pork barrel, panawagan para sa hustisya sa mga biktima ng Kidapawan Massacre at hustisya at proteksyon para sa mga OFW na nasadlak sa abusado at mapansamantalang kalagayan sa ibang bansa.

AB: Nora Aunor, pinarangalan ng mga grupong pambansa-demokratiko