Balita

Organisador at kampanyador ng Bayan Muna sa Batangas, dinukot

Dinukot at hindi pa rin matunton ng mga kaanak at ng Bayan Muna Party-list ang organisador at kampanyador nito sa Batangas na si Pauline Joy Banjawan. Huli siyang nakontak ng Bayan Muna-Southern Tagalog (ST) noong Abril 26 at napag-alamang nasa ikatlong distrito ng Batangas sa mga oras na iyon.

Si Banjawan ay organisador ng Kadamay-Southern Tagalog na nangangampanya para sa Bayan Muna. Lumilibot siya sa iba’t ibang bayan para buuin ang mga balangay nito sa mga maralitang komunidad.

Bago ang pagkawala ni Banjawan, naiulat niya sa kapwa niyang boluntir na binubuntunan at minamanmanan siya ng mga kahina-hinalang indibidwal. “Hindi na napag-alaman ang kanyang kinaroroonan mula ika-3 ng hapon (noong Abril 26),” pahayag ng Bayan Muna ST.

Ayon sa partido, naiulat sa kanila ang “pagkapal ng presensya” ng mga sundalong naka-full battle gear sa Santo Tomas City, bahagi ng ikatlong distrito, simula noong hapon ng Abril 26. Hinihinala ng partido na mayroon itong kaugnayan sa pagkawala ni Banjawan.

Naglunsad ng fact-finding mission ang Bayan Muna ST para tuntunin ang kinaroroonan ni Banjawan at tiyakin ang kanyang kaligtasan.

Noong Abril 28 ng umaga, nagtungo sa upisina ng Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna ang isang tim ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao para hanapin siya. Hinanap rin siya ng mga kaanak at paralegal sa Camp Macario Sakay, Los Baños noong Abril 27. Parehong itinanggi ng mga sundalo at pulis na nasa kustodiya nila ang nawawalang si Banjawan.

Ayon kay Atty. Carlos Isagani Zarate, ikalawang nominado ng Bayan Muna, mayroong pananagutan sa pagdukot at pagkawala ni Banjawan ang administrasyong Marcos.

Sa nagdaang mga buwan, target ng panggigipit at Red-tagging ang Bayan Muna dahil sa progresibong mga tindig at pusisyon nito sa mga isyung panlipunan. Pangunahing tagapagpatupad ng kampanya ng Red-tagging na ito ang National Task Force-Elcac.

Naganap ang pagdukot ilang linggo bago ang araw ng eleksyon sa Mayo 12. “Hindi kami mapatatahimik nito. Hindi namin papayagan na mapigilan ng takot at karahasan ang pagbalik ng Bayan Muna sa Kongreso bilang boses at partido ng inaaping mga sektor,” ayon kay Attorney Zarate.

Nanawagan ng hustisya ang Bayan Muna sa pagdukot kay Banjawan at sa lahat ng mga biktima ng sapilitang pagkawala. Hinamon ni Attorney Zarate ang Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng gubyerno na bigyang prayoridad ang paghahanap kay Banjawan at tiyakin ang kanyang kaligtasan. Nanawagan rin ito sa Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ng kanilang bolutir.

AB: Organisador at kampanyador ng Bayan Muna sa Batangas, dinukot