Pag-aresto ng pulis sa isang raliyista sa protestang magbubukid sa Mendiola, kinundena
Kinundena ng bagong-tatag na grupong Alyansa Laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis (AKAB) ang pag-aresto ng Manila Police District (MPD) kay Decay, kabataang lumahok sa protestang magbubukid sa Mendiola sa Maynila noong Oktubre 21. Ang pag-aresto sa kanya sa paratang na bandalismo ay tinawag ng AKAB na arbitraryo at hindi makatarungan.
Ayon sa grupo, si Decay ay inaresto ng mga pulis mula sa isang dyip na kanyang sinasakyan nang pauwi na mula sa Mendiola. “Tapos na ang programa, sinundan ang mga nagprotesta hanggang sa sasakyang jeep, hinarangan ang jeep saka sapilitang “pinasama” ang kanilang inaaresto nang walang paliwanag kung bakit siya hinuhuli,” ayon sa AKAB.
Pinagbantaan rin ng mga pulis ang mga kasamang raliyista ni Decay sa dyip na nagtangkang pigilan ang pag-aresto. Kakasuhan umano sila ng patung-patong na mga kasong kriminal kabilang ang obstruction of justice.
“Ipinakita ng pag-aresto kung gaano kasanay sa pagpapatahimik at panunupil ang kapulisan sa mga lehitimong kahilingan ng mamamayan,” ayon sa AKAB. Anang grupo, naroon ang mga kabataang tulad ni Decay at iba pang mga sektor para makiisa sa laban ng mga magbubukid para sa tunay na reporma sa lupa, militarisasyon sa kanayunan, at laban sa malubhang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ayon pa sa AKAB, ang ginawang pag-aresto sa iisang raliyista ay simbolikong puntos ng mga pulis laban sa demonstrasyon, pagpapapogi ng meyor ng Maynila at pagpapakita na “umiiral” ang batas sa kanyang lunsod. “Gusto nilang maghugas-kamay habang patuloy na humihingi ng hustisya sa lahat ng dinahas, inaresto, sinaktan, sinampahan ng kaso, at sa pinatay noong Setyembre 21, eksaktong isang buwan na ang nakaraan,” pahayag ng grupo.
Matatandaan na hindi bababa sa 277 na mga indibidwal, kabilang ang 91 menor-de-edad, ang inaresto ng mga pulis at ilang araw na iligal na idinetine noong Setyembre 21. Bakas sa mga inaresto ang mga marka ng tortyur at pisikal na pananakit tulad ng pasa, bali-baling buto, mga tama sa ulo, at troma. Dumanas sila ng karagdagang kalupitan sa kamay ng mga pulis sa pinatagal na detensyon.
Isinailalim si Decay sa inquest na pagdinig noong Oktubre 22. Giit ng AKAB at iba pang mga grupo ang pagbasura sa kasong isinampa ng mga pulis laban sa kanya. “Pulis ang brutal. Ang mga korap ang kriminal. Sila ang dapat kinukulong at pinananagot sa batas, hindi ang kabataan, magsasaka at mamamayan,” anang grupo.