Pag-aresto sa direktor at tatlong iba pa sa Quezon, kinundena

,

Kabi-kabila ang pagkundena ng mga grupo ng artista, direktor at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa arbitraryong pag-aresto ng Philippine National Police (PNP)-Quezon sa direktor ng pelikula at propesor na si Jade Castro at tatlo niyang kaibigan sa Mulanay, Quezon noong Pebrero 2. Idinadawit ang mga biktima sa naiulat na pagsunog ng apat na hindi kilalang indibidwal sa isang e-jeep sa bayan ng Catanauan noong Enero 31.

“Kinukundena namin ang walang mandamyentong pag-aresto kay Castro…nananatili silang iligal na nakakulong sa istasyon ng pulis sa Catanauan,” pahayag ng Concerned Artists of the Philippines (CAP). Nauna nang iginiit ni Castro na sila ay inosente at nasa lugar para lamang magbakasyon.

Bagaman hindi pa malinaw ang motibo ng krimen at mga detalye ng kaso, dinakip ng PNP-Quezon ang tatlo. Ayon sa ulat ng pulis, ang e-jeep o minibus ay hinarang ng apat na armadong lalaki habang bumabyahe sa haywey sa Catanauan bandang alas-7 ng gabi. Pinababa umano ang drayber at mga sakay nito, saka umano pinasabugan ng molotov ang dyip hanggang sa nasunog.

Ayon sa CAP, “nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulis sa naturang kaso, pero lahat sila [si Castro at tatlo pa] ay sinampahan na ng kasong arson.” Paano natukoy kaagad ng mga pulis gayong sabi ng mga saksi ay naka-bonnet ang mga suspek, tanong ng grupo.

Giit ng grupo na kagyat na palayain si Castro at ang tatlo pa niyang kasama. Samantala, hinimok nila ang Commission on Human Rights na kagyat na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa naturang insidente at tiyakin ang kaligtasan ng mga akusado.

“Gaano pa karaming mga artist ang patuloy na magiging bulnerable sa ganitong mga pag-atake?” ayon pa sa CAP. Si Castro ay kilalang direktor ng mga progresibong pelikula at tumitindig laban sa jeepney phaseout.

AB: Pag-aresto sa direktor at tatlong iba pa sa Quezon, kinundena