Pag-aresto sa magsasaka at manggagawa sa konstruksyon, kinundena
Kinundena ng Tanggol Quezon ang tinawag nitong iligal na pag-aresto ng 85th IB at Philippine National Police (PNP) sa dalawang sibilyan sa Lucena City noong Marso 27. Dinakip at ikinulong ng mga pwersa ng estado sina Darwin Palo at Jay-Ar Molantes sa patung-patong na mga kasong kriminal.
Si Palo, magsasakang mula sa bayan ng Lopez sa Quezon, ay binansagan ng PNP na isa sa mga “most wanted” na kriminal sa rehiyon ng Calabarzon. Ayon sa mga pulis, mayroong anim na mandamyento de aresto para kay Palo sa mga kasong double homicide, attempted homicide, multiple attempted murders, attempted murder, frustrated homicide, at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Liban pa, pinalalabas ng mga pwersa ng estado na si Palo ay isang kolektor ng Bagong Hukbong Bayan para sa sinasabing “permit-to-campaign” ng grupo ngayong eleksyong 2025. Samantala, hindi iniulat ng mga pulis ang pagkakadakip kay Molantes.
Ayon sa Tanggol Quezon, sa inilunsad nitong imbestigasyon sa insidente ay napag-alaman nilang bumabyahe lamang papuntang Bulacan ang dalawa para doon magtrabaho. Bigla na lamang umanong dinampot ng mga pulis at militar ang dalawa sa Lucena Grand Terminal at tinamnan ng baril.
Isinalaysay sa kanila ng mga biktima na hinuli sila nang hindi ipinakita ang mandamyento de aresto at hindi rin binasahan ng Miranda Rights na naglalaman ng kanilang karapatan bilang mga akusado.
Pinabulaanan din ng mga biktima ang pahayag ng pulis at militar na tumatakas sila sa tsekpoynt. Sa katunayan, mula bayan pa lamang ng Lopez ay sinusundan at tinitiktikan na umano sila ng mga ahente ng estado.
“Malinaw na isa na namang kaso ito ng paglabag sa karapatang pantao ng mga ordinaryong mamamayan sa probinsya ng Quezon. Imbis na tugunan ng pamahalaan ang lumalalang krisis sa kawalan ng trabaho at lupang sakahan, umiigting na panunupil ang sagot nila sa mamamayan,” anang grupo.
Samantala, ipinagmalaki ng 2nd ID ang pagkakaaresto kay Palo. Ayon kay Maj. Gen. Cerilo Balaoro Jr, isang “panibagong mahalagang tagumpay” ang pag-aresto sa naturang sibilyan para pahinain ang impluwensya ng BHB sa prubinsya.
Matatandaan na noong pang Hunyo 2023 idineklara ng militar at lokal na gubyerno na “insurgency-free” ang prubinsya ng Quezon.