Pagbaba ng bayarin sa pamamasada, iginiit ng mga drayber ng traysikel at traysikad sa Cebu
Mahigpit na sinuportahan ng Piston-Cebu ang inilunsad na pagkilos noong Disyembre 6 ng mga drayber ng traysikel at traysikad sa Balamban, Cebu. Kinundena ng mga drayber ang mataas na bayarin at arbitraryong mga rekisito sa kanilang pamamasada, laluna sa harap ng pinsala na dala ng Bagyong Tino sa kanilang mga komunidad at kabuhayan.
Iginiit nila na dapat silang tulungan para makabawi mula sa sakuna. Higit dito, iginigiit nila ang bayad-pinsala o kumpensasyon para sa napinsalang mga buhay, bahay at kabuhayan na dulot ng pandarambong ng malalaking negosyo sa kabundukan ng Cebu, gayundin ng palpak at ghost na mga proyektong flood control.
“Nararapat lamang ang panawagan ng mga drayber ng traysikel at traysikad na baguhin ang singil sa permit, at tanggalin ang mga rekisito tulad ng X-ray para makakuha ng permit at lisensya,” pahayag ng Piston-Cebu. Nararapat din lamang ang paggigiit nila ng tulong para sa mga nawalan ng bahay dahil sa baha, anito.
Hiningi din ng mga drayber na itigil na ng LTO ang mga panghuhuli, mabibigat na multa at demerit points sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan.