Pagbabalik sa Hunyo ng pagbubukas ng klase, tinutulak

,

Naghain ng panukalang batas noong Hunyo 19 ang mga kongresista ng Makabayan para ibalik sa dati nang iskedyul sa Hunyo ang pagbubukas ng mga klase at sa Marso ang pagtatapos nito sa susunod na pasukan. Nakasaad din sa panukala ang paglimita sa klase sa 220 araw lamang para maibalik ang dalawang buwang bakasyon ng mga guro. Para sa kasalukuyang school year, mungkahi nilang tiyakin na magsisimula ang klase bago magtapos ang Agosto.

Ayon kay ACT Teachers Rep. France Castro, hindi naging paborable sa mga guro at estudyante ang paglilipat ng school calendar mula Agosto hanggang Mayo. Isa sa mga dahilan nito ang matinding init ng tag-araw na dinanas nila habang nagkaklase noong Abril at Mayo.

Sa panahong ito, maraming eskwelahan ang napilitang magsuspinde ng klase at bumalik sa di epektibong moda ng modyul dahil sa init. Marami din ang naiulat na nahimatay, at ang iba ay naospital, dahil napakaraming klasrum na siksikan at walang maayos na bentilasyon. Ayon kay Rep. Castro, nagresulta ito sa pagbaba ng produktibidad at malalang student performance.

“Ang pagbabalik sa school calendar mula Hunyo hanggang Marso ay hindi lamang magpapahusay sa kalidad ng edukasyon, makatutulong din ito sa mga magsasaka dahil makalalahok na sa pagtatanim at pag-ani ang mga estudyante sa tamang season (panahon),” aniya.

AB: Pagbabalik sa Hunyo ng pagbubukas ng klase, tinutulak