Pagbabalik-trabaho, naigiit ng mga manggagawang na-"force leave" sa FCF Manufacturing Corp
Inianunsyo ng Nagkakaisang Manggagawa ng Freeport Area of Bataan (NMFAB) noong Abril 19 na naitulak ng mga manggagawa ang pamunuan ng FCF Manufacturing Corporation na ibalik sa trabaho ang mga ipinailalim nito sa istatus na “forced leave.” Inianunsyo ng kumpanya ang unti-unting pagbabalik sa trabaho ang mga manggagawa sa Abril 21, Mayo 2 at Mayo 12. “Bunga ito ng pananawagan ng manggagawa at ng unyon,” ayon sa NMFAB.
Kasunod ng paunang tagumpay na ito, itinutulak ng mga manggagawa ang pagbabayad ng kanilang backwages o isang buwan na sahod kada buwan na-“forced leave.” Nagkakahalaga ito ng ₱550 kada araw, o ₱42,900 para sa tatlong buwan. Gayundin, itinutulak nila ang pagbibigay ng separation pay para sa mga hindi na pababalikin ng kumpanya.
Giit ng NMFAB, anuman ang dahilan ng kumpanya ay hindi pa rin dapat umabot sa forced leave dahil marami namang produkto o produksyon at may tatlong oras pang obertaym ang mga manggagawang pumapasok. “Sa kagustuhan ng kumpanya na makatipid sa pasahod, hindi nito inisip ang daan-daang magugutom na pamilya,” ayon sa NMFAB.
Nanawagan din ang grupo sa FCF Manufacturing Corp na itigil ang tinatawag na “paghataw sa gawa” at iba pang iskema ng pag-iimbak ng gawang produkto dahil ito ang nagtutulak ng patakarang forced leave. Anang NMFAB, kailangan magkaisa ang mga manggagawa sa pagpapatigil nito para sa katiyakan sa kabuhayan.
“Hangga’t hindi bubunutin ang ugat ng forced leave, uulit-ulitin ito ng management upang makatipid sa pasahod,” anang grupo. Kasalukuyang naglulunsad ng petisyon ang NMFAB para sa kahingian at karapatan ng mga manggagawa.
Noong Marso 23, nakapaglunsad ng konsultahan ang mga manggagawa kasama ang Labor Rights Defenders Network-Philippines, Center for Trade Union and Human Rights (Philippines) at Bataan Ecumenical Workers Desk para ipaliwanag sa mga manggagawa ang kanilang kalagayan at karapatan. Tinalakay rin dito ang ligal na mga aksyon na maaari nilang gawin sa kanilang problema sa trabaho.
Ang FCF Manufacturing Corp. ay isang kumpanya na matatagpuan sa Freeport Area of Bataan (FAB) sa Mariveles, Bataan. Ang kumpanya ay gumagawa ng mamahaling mga kagamitan tulad ng leather bag at wallet na may tatak na Coach at Kate Spade. Bahagi ang FCF sa mga kumpanya ng Fashion Focus Ltd, isang kumpanya na nakabase sa China.
Samantala, ang kapatid na kumpanya nitong FPF Corporation ay pinalawig pa ang patakaran ng “forced leave” hanggang sa Hunyo 15.