Balita

Pagbabasura sa kasong grave oral defamation laban sa mga dinukot na aktibista, muling ipinanawagan

,

Naglunsad ng protesta ang mga grupo ng mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang-tao sa Plaridel Municipal Hall sa Bulacan noong Setyembre 23 para muling ipanawagan ang pagbasura sa kasong grave oral defamation na kasong isinampa ng militar laban kina Jonila Castro at Jhed Tamano, mga aktibistang pangkalikasan na dinukot ng militar. Kasabay ito ng pagdinig sa naturang kaso na inilipat mula sa korte ng Doña R. Trinidad tungo sa nabanggit na bayan.

Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment, Hands Off Jhed and Jonila Network at AKAP KA Manila Bay, ang naturang kaso na isinampa noon pang Pebrero ay taktika para patahimikin at patigilin ang dalawa sa pagsisiwalat sa katotohanan sa pagdukot sa kanila. Nakabatay ang kaso sa rekomendasyon mismo ng Department of Justice noong Enero.

Dahil sa paglipat ng kaso sa bagong korte, muling nagypansa sina Castro at Tamano noong Setyembre 24.

“Hindi pa rin natatapos ang paghahabol ng militar na supilin at akusahan ang dalawang aktibista ng gawa-gawang kaso dahil lamang sa pagkapahiya at kasiraang-puri nang ilantad nina Jhed at Jonila ang katotohanan ng pagdukot ng militar sa kanila noong nakaraang taon,” pahayag ng Hands of Jhed & Jonila Network.

Higit isang taon na mula nang dinukot, pinahirapan at itinago ng 70th IB sina Tamano at Castro noong Setyembre 2, 2023 sa Orion, Bataan. Nakahulagpos sila sa kontrol ng militar nang matapang nilang isiwalat noong Setyembre 19, 2023 ang ginawa sa kanila ng Armed Forces of the Philippines.

Sa mismong press conference ng militar at National Task Force-Elcac ay ibinunyag ng dalawa ang pagdukot, detensyon, pagbabanta at pagpilit sa kanila ng militar para maging mga “surrenderi.”

AB: Pagbabasura sa kasong grave oral defamation laban sa mga dinukot na aktibista, muling ipinanawagan