Jhed at Jonila: Mukha ng pekeng pagpapasuko

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Supalpal ang NTF-Elcac sa sariling nitong press conference noong Setyembre 19 nang matapang na ibunyag nina Jhed Tamano at Jonila Castro ang pagdukot, detensyon, pagbabanta at pagpilit sa kanila ng militar para maging mga “surrenderi.”

Dinukot sina Tamano at Castro, dalawang aktibistang maka-kalikasan, sa Orion, Bataan noong September 2. Ayon sa mga nakasaksi, nagpumiglas ang dalawa sa mga armadong lalaking sapilitang nagsakay sa kanila sa isang van. Tinangka pa ng isa na umakyat sa tarangkahan ng malapit na bahay pero hindi siya nakatakas. Tanging mga tsinelas nila ang naiwang bakas ng marahas na pagdukot sa kanila. Sa loob ng van, nagpakilala sa kanila ang mga sundalo bilang ahenteng paniktik ng 70th IB. Sa loob ng 14 araw, itinanggi ng militar na hawak nila ang dalawa.


Paglulubid ng kasinungalingan

“Ang totoo niyan, dinukot kami ng militar,” matapang na pahayag nina Castro at Tamano, sa gulat ng katabi nilang kumander ng 70th IB. “Hindi totoo yung laman ng affidavit (na sumurender kami) dahil ginawa ‘yun at pinapirmahan sa loob ng kampo ng militar.”

Simula pa lamang sa paghahanap ng mga organisasyon kina Tamano at Castro noong September 4, malinaw nang alam ng pulis kung nasaan ang dalawa. Hindi pinahintulutan ng PNP Orion na magpa-blotter ang nanay ni Castro na si Rose at tumanggi itong pirmahan ang Desaparacidos Form para patunayan na wala sa kustodiya nila ang dalawa.

Ayon sa nakatatandang Castro, alam ng mga awtoridad kung paano siya uugnayan dahil sa nakaraan, madalas siyang puntahan ng nagpakilalang mga sundalo at ahente ng NTF-Elcac para tulungan siyang “ipasurender” ang kanyang anak. Iginiit niya na walang ginagawang masama ang kanyang anak at suportado niya ito sa pagiging aktibista dahil tumutulong lamang ito sa kapwa.

Paglaban sa reklamasyon

Sina Castro at Tamano ay nagsisiyasat sa epekto ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa kalikasan. Si Castro ay nagpasyang maging buong panahong boluntir sa AKAP KA Manila Bay matapos maranasan ang hirap sa pag-aaral noong panahon ng lockdown. Si Tamano naman ay boluntir ng Ecumenical Bishops Forum na nagtapos sa kursong business economics pero hindi na lumahok sa seremonya ng pagtatapos dahil para sa kanya, mas importante ang panahon niya sa komunidad. Batid nilang dalawa ang hirap ng mga nasa komunidad na dulot ng mga proyektong tulad ng New Manila International Airport ng San Miguel Corporation sa Bulacan.

Naghahanda sila para sa relief operations sa Bataan bago sila dinukot. Naging kapansin pansin ang mas mabilis na pagbaha sa ilang bahagi ng Bataan lalo na noong huling dalawang bagyong dumaan. Bukod dito, matagal nang iniinda ng mga mangingisda sa prubinsya ang pagbaba ng kanilang kita dahil sa offshore at seabed quarrying.

Noong Hunyo, inaprubahan ng provincial council ng Bataan ang 235-ektaryang reklamasyon sa Mariveles Bay. Sa pamamagitan ng Premiumm Megastructures, Inc., itatayo raw ang pinakamalaking “transshipment hub” o pantalan.

“Kailangan magpokus sa mga isyu ng bayan, ang pagpapatigil sa mga reklamasyon at pagtatanggol sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Manila Bay,” pahayag ni Castro matapos ang kanyang pagpapasalamat sa mga nagkampanya at sumuporta sa pagpapalitaw at pagpapalaya sa kanila.

Ayon sa grupong Kalikasan, ang layunin ng pagdukot at ang pekeng pagpapasuko kina Castro at Tamano ay para pagtakpan ang epekto ng mga mapanirang proyekto ng pamahalaan at malalaking korporasyon. Pero hindi nagawa ng estado na gapiin ang dedikasyon ng mga tagapagtanggol ng kalikasan para ilantad ang katotohanang ito.


’Ilitaw ang mga desaparesidos’

“Hindi lang kami ang nawawala. Kaya panawagan namin na ilitaw din ang lahat ng biktima ng pwersahang pagkawala dahil alam natin kung sino ang may pakana nito,” pahayag ni Castro sa press conference na isinagawa sa Commission on Human Rights matapos sila mabawi mula sa militar. Sinalubong ang dalawa ng kapwa nila mga aktibista, mga abugado, tagapagtanggol ng karapatang-tao at kanilang mga pamilya.

Sa kasalukuyan, walo pa ang nawawalang mga indibidwal na dinukot ang di pa inililitaw. Ang ibang inilitaw ay ipinrisenta ring mga pekeng sumuko tulad nina Castro at Tamano, at nina Dyan Gumanao, Armand Dayoha at Steve Tauli.

Jhed at Jonila: Mukha ng pekeng pagpapasuko