Balita

Pagbabawal sa pagtatrabaho sa Kuwait, di solusyon sa pang-aabuso sa mga migranteng Pilipino

,

Binatikos ang Migrante-Middle East ang pinalulutang na plano ng rehimeng Marcos na pigilan ang pagpapadala ng mga migranteng manggagawa sa Kuwait, matapos ang pagkamatay ng isa na namang Pilipina doon. Namatay si Jenny Alvarado, kasama ng iba pang katulad niyang migranteng manggagawa, noong Enero 2 mula sa “coal suffocation” habang nagtatrabaho sa bahay ng kanyang amo.

Hindi solusyon ang pagbabawal ng pagtrabaho sa Kuwait sa maraming kaso ng pang-aabuso at krimen laban sa mga manggagawang Pilipino sa naturang bansa, ayon sa Migrante-ME.

“Ilang beses na ginamit ng gubyerno ang pagbabawal sa deployment sa panahon ng matitingkad na kaso ng pagkamatay ng mga OFW, pero di niresolba ng mga ban ang ugat ng problema,” ayon sa grupo. “Hindi nito napigilan ang mga kaso ng pagkamatay, malalalang kaso ng pang-aabuso, human trafficking at iligal na rekrutment ng mga manggagawa, anito.

Sa nakaraang mga deployment ban, maraming manggagawang Pilipino ang iligal na ipinadala sa mga operasyon ng human trafficking sa Syria, Lebanon at Kuwait. Halimbawa nito ang kaso sa Lebanon kung saan maraming Pilipino ang nagtatrabaho sa kabila ng deployment ban ng gubyerno mula pa 2006. Dahil sa pagbabawal, wala silang walang karampatang mga dokumento.

Anito, dumaranas ang mga OFW ng mga paglabag sa karapatang-tao sa Middle east dahi sa tumitinding gera at sigalot, krisis sa ekonomya at pulitika, diskriminasyon at karahasan. Sa harap nito, hindi sila nabibigyan-proteksyon ng gubyerno ng Pilipinas.

“Ang tunay na solusyon sa mga problema tulad ng pagsasamantala at abuso sa mga OFW sa labas ng bansa ay hindi ang lalupang pagpapatindi sa patakaran ng labor export, kung ang paglikha ng disenteng mga trabaho sa loob ng bansa,” ayon sa grupo.

AB: Pagbabawal sa pagtatrabaho sa Kuwait, di solusyon sa pang-aabuso sa mga migranteng Pilipino