Balita

Pagbabawas ng subsidyo sa mga magsasaka ng mais sa Ilocos Sur, "di makatarungan"

,

Umalma ang isang grupo ng mga magsasaka sa prubinsya ng Ilocos Sur sa kamakailang anunsyo ni Gov. Jerry Singson na kakaltasan ng lokal na gubyerno ng kalahati o higit pa ang pondo para sa mga magsasakang nagtatanim ng mais. Ayon sa Koalisyon dagiti Mannalon ken Mangngalap iti Probinsya ti Ilocos Sur (Kommpai), mali ang hakbang na ito. Sa halip ay dapat pa ngang dagdagan ang pondo sa produksyon ng mais, palay at iba pang pananim.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority-Ilocos Sur noong unang kwarto ng taon, nakapag-ambag ang prubinsya ng 14.6% sa kabuuang 365,109 metriko toneladang produksyon ng mais sa Ilocos Region. Ang rehiyon ang ikatlo na pinakamalaking prodyuser ng mais sa bansa.

Kumpara noong nakaraang taon, mas mababa ang produksyon ng mais sa rehiyon nang 1.8%. Epekto ito ng pagkitid ng eryang inaani dahil sa hindi tiyak na irigasyon at hindi napapanahong pagbuhos ng ulan. Pinakamalaki (umabot sa -5%) ang ibinagsak ng produksyon sa Ilocos Sur.

Lubhang dismayado ang Kommpai sa plano ng lokal na gubyerno magkaltas ng pondo sa harap ng pagbagsak ng ani. Hindi sila sang-ayon sa paglalaan ng ikakaltas na pondo sa produksyon ng tabako, ang pangunahing produkto sa prubinsya.

Pamamaraan ito ng lokal na gubyerno para hikayatin pang lalo ang pagtatanim ng tabako, anila. Ito ay dahil nakakukuha ng bahagi ang lokal na gubyerno mula sa excise tax na ipinapataw ng pambansang gubyerno sa tabako.

“Mali na isakripisyo ang kabuhayan ng mga nagtatanim ng mais at iba pang pananim para sa tabako habang nag-uumapaw naman ang pondo na para dapat sa mga magsasaka,” ayon sa Kommpai. Anang grupo, ang pag-unlad sa prubinsya ay hindi dapat nakasalalay sa iisang produkto o buwis kundi sa makatarungan, pantay, at demokratikong pamamahala ng yaman ng bansa.

Panawagan ng grupo ng magsasaka na dagdagan, huwag bawasan ang pondo para sa mga nagtatanim ng mais at ibang pananim. Anito, ang subsidyo para sa mais, palay, at iba pang pananim ay mahalagang pantulong sa panahon ng mataas na presyo ng abono, binhi, at langis.

Kailangang-kailangan umano ito ng mga magsasaka, laluna sa panahong nanatiling napakababa ng presyo ng kanilang mga produkto. “Ang pagbawas [sa subsidyo] ay direktang pananabotahe sa kabuhayan ng mga magsasaka,” anang Kommpai.

Maanomalyang pondo para sa tabako

Ngayong taon, ang Ilocos Sur ang tatanggap ng pinakamalaking alokasyon ng excise tax na aabot ng ₱11 bilyon mula sa produksyon ng Virginia na tabako. Makakatanggap pa ito ng dagdag na ₱550 milyon mula sa produksyon ng Burley at Native na tabako.

Ayon sa Kommpai, bilyun-bilyon ang pumapasok sa prubinsya ngunit “tunay bang napapakinabangan ito ng mga magsasaka?” Kinuwestyon ng grupo ang hangarin ng lokal na gubyerno sa pagpapaunlad ng produksyon ng tabako at suporta sa mga magtatabako.

Kung tunay ang suporta sa mga magtatabako dapat umanong dagdagan ng lokal na gubyerno ang alokasyon mula sa tabako excise tax para sa subsidyo ng produksyon at insentibo sa magsasaka. Dapat rin umanong pondohan ang pamamahagi ng mga kagamitan sa pagsasaka, imprastraktura sa agrikultura, at ayuda sa panahon ng mga kalamidad.

“Kung mayroon mang dapat bawasan, ito ay ang pondong inilalaan sa proyektong imprastraktura na hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga magsasaka,” anang grupo. Dumami ang diumano’y mga proyektong imprastruktura na para sa “magsasaka” pero hindi naman direktang lumulutas sa kanilang mga suliranin.

Kabilang sa mga ito ang Center for Harvest Activities, Value Chain Development, Innovation, and Training Coliseum, o Chavit Coliseum na binuksan noong Hunyo. Nariyan rin, ayon sa Kommpai, ang Farmers Development Center, mga post-harvest facility na itinayo sa mga barangay na simpleng mga covered court, multipurpose hall, o imprastraktura na walang kinalaman sa produksyon.

“Ito ay malinaw na patronage politics—mga proyektong nakatuon hindi sa pangangailangan ng mga magsasaka, kundi sa pagpapalakas ng kapangyarihan at impluwensya ng mga upisyal,” anang Kommpai. Ayon pa sa grupo, kapansin-pansin na naglalabas lamang ng pondo ang dinastisya ng mga Singson kapag malinaw ang pakinabang nila sa mga proyekto.

Ayon sa grupo ng magsasaka, marami sa mga proyektong ito ay itinayo ngunit naiwan hanggang kinalawang na lamang. Ang ibang naitayo ay walang pondo para sa operasyon at ang iba pa ay nagsilbi para sa personal na gamit ng mga pulitiko.

“Ang mga ganitong proyekto ay paulit-ulit na patunay sa malaking agwat sa pagitan ng plano at ng tunay na pangangailangan ng mga magsasaka,” ayon sa Kommpai.

Pinuna na rin mismo ng Commission on Audit ang mali o hindi angkop na paggamit ng tabako excise tax. Ilang beses na ring nalantad ang mga kaso ng katiwalian at anomalya sa paggastos sa naturang pondo.

Sa pagkakalantad ng mga kaso ng korapsyon sa mga proyektong flood control, itinutulak ng Kommpai na imbestigahan rin ang mga kaso ng katiwaliang kinasasangkutan ng tabako excise tax.

AB: Pagbabawas ng subsidyo sa mga magsasaka ng mais sa Ilocos Sur, "di makatarungan"