Pagbasura sa petisyong makapagpyansa si de Lima, kinundena

Umani ng malawakang pagbatikos ang pagbabasura ng korte ngayong Hunyo 7 sa petisyon para piyansa upang pansamantalang makalaya ang dating senador na si Leila de Lima. Ibig sabihin, mananatili siya sa kulungan habang dinidinig ang pangatlo at huling gawa-gawang kaso laban sa kanya.

Ang pagtanggi ang pinakahuli sa serye ng panggigipit ng estado sa senador, na halos pitong taon nang nakakulong sa gawa-gawang kaso ng pagkakasangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.

Dalawa sa tatlong kasong isinampa sa kanya ay naibasura na dulot ng pag-atras ng mga saksi laban sa kanya. Sa kabila nito, sinabi ng korte na may “malakas” na mga palatandaan na maysala si de Lima. Gayundin, wala siyang matinding karamdaman at ang naganap na panghohostage sa kanya sa bilangguan ay isa lamang “isolated case.” Sa gayong pagdadahilan, walang nakitang batayan para pansamantala siyang palayain, ayon sa 35-pahinang desisyon ng korte.

“Ang matataas na upisyal na sangkot sa pamamaslang ng drug war ni Duterte…ay malayang-malaya, habang si Sen. Leila ay nananatiling nakakulong dulot ng walang basehang mga akusasyon,” pahayag ni Atty. Neri Colmenares ng Bayan Muna. “Sigurado akong papansin ng ICC ang pangyayaring ito sa usaping kaya o handa ba ang sistema ng hustisya sa Pilipinas sa paghatid ng hustisya nang walang takot o kinikilingan. Dapat palayain na si Leila de Lima!”

AB: Pagbasura sa petisyong makapagpyansa si de Lima, kinundena