Balita

Pagbasura sa reklamong impeachment sa presidente ng South Korea, lalong ikinagalit ng mamamayan

,

Higit isang milyong South Korean ang nagtipon sa harap ng Pambansa Asembliya ng South Korea noong Disyembre 7 para saksihan ang desisyon hinggil sa reklamong impeachment laban kay Presidente Yoon Suk Yeol. Labis ang kanilang pagkadismaya at galit nang hindi umusad ang reklamo dahil sa isinagawang boykot ng mga kasapi ng naghaharing partido ni Yoon na People Power Party (PPP) sa parlamento.

Nangangailangan ng 200 boto ang reklamo para makalusot sa parlamento ngunit nang isasagawa na ito, nag-anunsyo ng boykot ang PPP at sabay-sabay na lumabas sa bulwagan. Dahil dito, nagkulang ng walong boto para makuha ang kinakailangang bilang para mapatalsik sa poder si Yoon.

“Tinalukiran ng PPP ang kahilingan ng mamamayan, at inamin na sila ay kasabwat [ni Yoon],” pahayag ng Korean Confederation of Trade Unions (KCTU). Kabilang ang mga kasapi ng KCTU sa malawakang protesta. Matatandaang nag-anunsyo sila ng walang taning na pangkalahatang welga simula Disyembre 4 hanggang bumaba si Yoon sa poder.

Malawakang kumilos ang mga manggagawa at mamamayang South Korean sa nagdaang mga araw bilang tugon sa deklarasyon ng batas militar ni Yoon Suk-yeol noong gabi ng Disyembre 3. Ayon sa KCTU, ang kanilang pagkilos ay para ipagtanggol ang demokrasya laban sa labag sa konstitusyon at tiranikong hakbang ng estado.

Sa araw ng pagboto para sa impeachment, nagsama-sama ang mga South Korean dahil hindi nila mapapatawad ang presidente sa ginawa nito at pagtutok nito ng armas sa mamamayan ayon pa sa unyon. “Sa kabila ng taglamig na panahon, nagtungo sila sa lansangan na desperadong umaasa na lulusot ang impeachment,” pahayag pa ng KCTU.

Nadismaya at nagalit sila sa ginawa ng PPP sa impeachment. “Nasaksihan ng mamamayan sa araw na iyon ang pag-atras ng demokrasya. Malinaw nilang namalas kung sino ang tumindig sa panig ng mga nais ipahamak ang demokrasya,” anito. Kaya naman nanawagan ang KCTU na buwagin ang partido ni Yoon at papanagutin ang lahat ng pumuprotekta sa kanya para makapanatili sa poder.

Sa harap ng mga maniobrang ito, matapang na isinaad ng KCTU na sa pamamagitan ng hatol ng mamamayan ay ihaharap nila sa mabibigat na parusa si Yoon, kanyang mga kasabwat at ang PPP. “Magiging isang malaking pagkakamali kung iisipin na mareresolba ito sa pamamagitan ng kompromiso o amyenda sa konstitusyon para sa maagang pagbaba sa poder,” ayon sa grupo. Inaasahang magtutuluy-tuloy ang mga demonstrasyon sa South Korea sa harap ng umiigting pang pampulitikang krisis sa bansa.

Samantala, maaaring magsumite ng bagong reklamo ng impeachment sa parlamento sa pagbubukas ng sesyon nito sa Disyembre 11. Kung makukuha ang sapat na boto at mapatalsik si Yoon, sususpendhin ang kanyang mga kapangyarihan hanggang makapagdesisyon ang Constitutional Court ng bansa kung tatanggalin siya sa poder. Kung matatanggal, magsasagawa ng eleksyon sa South Korea para palitan siya sa loob ng 60 araw.

AB: Pagbasura sa reklamong impeachment sa presidente ng South Korea, lalong ikinagalit ng mamamayan