Pagbawas ng ₱12 bilyon sa badyet para sa edukasyon, kinundena
Kinundena ngayong araw, Disyembre 13, ng ACT Teachers Party ang pagbawas ng bicameral committee ng ₱12 bilyon na pondo sa Department of Education. Nakalaan ang malaking bahagi sa tinanggal na pondo (₱10 bilyon) sa pagbibigay ng mga serbisyong digital sa milyun-milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan. Mula sa ₱748.6 bilyon na ipinasa pareho ng Kongreso at Senado, ibinaba ng bicameral committee ang badyet ng kagawaran tungong ₱737.6 bilyon.
Sa kabilang banda, ibinalik ng komite ang pondo para sa Ayuda sa Kapos sa Kita Program o AKAP na una nang tinanggal ng Senado. Kasabay nito, pinalaki rin sa badyet ang probisyon para sa “unprogrammed funds” tungong ₱531.66 bilyon. Nasa presidente ang kapangyarihan kung saan ilalaan ang unprogrammed funds na ito.
“Ang makabuluhang kaltas na ito (sa edukasyon) ay pipinsala nang malaki sa akses ng ating mga estudyante sa mga serbisyong digital at magpapalala lamang sa agwat sa pagkatuto,” ayon kay Vladimir Qetua, chairperson ng Alliace of Concerned Teachers (ACT). Sa mga pagdinig sa Kongreso, isa ang programang digitalization sa prayoridad na pangangailangan ng kagawaran. Lubhang atrasado ang programa dahil sa samutsaring anomalya sa pagbili ng mga gamit para rito, at kainutilan ng pamamahala ni Vice President Sara Duterte noong siya pa ang kalihim ng DepEd.
“Mukhang sinasamantala ng adminstrasyong Marcos Jr ang galit ng publiko sa maanomalyang pagggamit ni BP Dara sa confidential funds para tahimik na ilusot ang pag-ako ng mas malaking pondo para sa sariling korapsyon,” pahayag naman ni Antonio Tinio, unang nominado ng ACT Teachers Party. Ipinakikita lamang nito ang sistematikong korapsyon sa loob ng ating gubyerno, kung saan ang pagbubunyag ng maling gawi ng isang upisyal ay pinagsisilbi para takpan ang sariling (maling gawi), aniya.