Pagbisita ng ambassador ng Israel sa Negros, kinundena

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mahigpit na kinundena ng mga Negrense ang pagbisita ni Israeli Ambassador Ilan Fluss sa isla ng Negros noong Hunyo 3 nang makipagpulong kay Eugenio Lacson, gubernador ng Negros Occidental, sa Bacolod City. Nanawagan ang Negrenses for Palestine kay Lacson, at sa lahat ng mga lider ng gubyerno, na “isuspinde ang diplomatikong relasyon” sa Israel bilang pagpapakita ng pagkundena sa henosidyong inilulunsad nito sa mga Palestino.

Tinalakay ni Lacson at Fluss ang posibleng pagtutulungan para sa sustenableng agrikultura at teknolohiya sa pangangasiwa sa tubig. “[Pinag-usapan ito] habang ang gubyerno ng Israel ay nangwawasak sa lupang pang-agrikulura sa Palestine, nagpapataw ng embargo sa tubig sa mga Palestino sa Gaza, at pumapaslang sa libu-libong mga Palestino,” pahayag ng Negrenses for Palestine.

Sa huling tala noong Hunyo 4, umabot na ng 36,550 ang napaslang, kabilang ang 15,000 bata, sa henosidyo ng Zionistang Israel. Naiulat rin ang 82,959 na nasugatan. Halos dalawang milyong Palestino na ang nataboy at napalayas sa kanilang mga tahanan at lupa.

Maging ang itinakda ng Israel na “ligtas na sona” ng Rafah, na nasa timog na bahagi ng Gaza, ay magkakasunod na binomba at inatake nito. Noong Mayo 26, hindi bababa sa 49 katao ang napaslang at 250 ang nasugatan sa airstrike ng Israel sa “tent camp” sa Al-Sultan sa Rafah. Dalawang araw pagkalipas, binomba naman ng mga pwersang Israeli ang tent camp sa Al-Masawi sa Rafah na pumatay sa 21 Palestino at nakasugat sa 64 katao.

Isinagawa ito ng Israel sa kabila ng desisyon ng International Court of Justice, pangunahing judicial organ ng United Nations, noong Mayo 24 na nag-aatas na “kaagad itigil ang opensibang militar, at kahit ano pang ibang aksyon sa Rafah.”

Anang Negrenses for Palestine, mahalagang putulin ang ugnayan sa Israel para hindi magamit at mahulog sa kanilang propaganda at pagtatakip sa mga krimen sa digma nito sa Gaza.

“Dapat tayong makiisa sa malawak na hanay ng internasyunal na komunidad sa pagpapanagot sa Israel para sa mga aksyon nito, maggiit ng kaagad na pagpapahinto sa mga opensibang militar at buo at ligtas na akses para sa makataong ayuda para sa mga Palestino,” ayon pa sa grupo.

AB: Pagbisita ng ambassador ng Israel sa Negros, kinundena