Balita

Pagbuwag ng PNP sa barikada kontra-mina, kinundena ng mga residente sa Nueva Vizcaya

,

Mariing kinundena ng mga residente ng Dupax del Norte ang marahas na pagbuwag ng mga pulis sa itinayong barikada ng mga residente ng Barangay Bitnong, Dupax del Norte laban sa pagpasok ng Woggle Corporation sa kanilang komunidad noong Oktubre 17. Tatlong indibidwal ang inaresto na agad ding nakalaya.

Sa bisa ng Temporary Restraining Order na inilabas ng korte laban sa mga nagtayo ng barikada, inutusan nito ang mga pulis na dakpin ang sinumang humahadlang sa pagmimina ng Woggle Corporation.

Sa isang bidyu, makikita na agresibong itinulak ng mga pulis na naka-shield ang mga residente, habang hinihila nila ang ilang nagprotesta para arestuhin. Karamihan sa nasa unahan na lumalaban ay pawang matatanda. May namataan din na mga dayuhan na may takip ang mukha na nagbabantay sa likod ng mga pulis.

Nagpahayag ng pagkundena at pakikiisa sa mga residente ang Diosesis ng Bayombong, Order of Friars Minor-Franciscan-Philippines, publikasyon at mga konseho sa Nueva Viscaya State University, DWRV Radio Veritas Bayombong, Alyansa ng Novo Viscayano para sa Kalikasan, Taripnong Cagayan Valley,at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Gitnang Luzon,

Nanawagan si Bishop Jose Elmer Mangalinao, obispo ng Bayombong, sa mga lokal na upisyal ng prubinsya na tumintig sa isyu, laluna kina Jose Valeriano, gubernador at Eufemia Dacayo, bise gubernador ng prubinsya, na kundenahin ang karahasan ng pulis laban sa mamamayan.

Sa harap nito, nagtangka pang maghugas kamay ang pulis. Sa Facebook page nito at mga pahayag sa radyo, itinanggi nilang gumamit sila ng dahas laban sa mga nagprotesta at sinabing ‘fake news’ at paninira lamang daw ang kumakalat na balita laban sa kanila.

Naglunsad ng caravan at protesta ang mga residente ng Dupax del Norte, mga organisasyon pangkalikasan, taong simbahan at estudyante sa People’s Stage sa tapat ng Nueva Viscaya Provincial Capitol noong Oktubre 20 upang kundenahin ang kawalang aksyon ng lokal na gubyerno sa hinaing ng mamamayan at pagpapalayas sa kumpanya sa pagmimina sa kanilang prubinsya.

Naglunsad din ng pagkilos sa parehong araw ang grupong Kalikasan PNE sa tapat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Nakatakda ding maglunsad ng protesta sa Oktubre 21 ang Anakbayan United Kingdon at iba pang pambansang demokratikong organisasyon sa UK sa upisina ng Metals Exploration PLC Office sa London, upang kundenahin ang ginagawang pandarambong sa kalikasan ng kanilang kumpanya.

Ang Woggle Corporation ay 60% pagmamay-ari ng FCF Minerals Senior Staff Annuity Corporation at 40% by Metals Exploration Plc, mga kumpanya na nakabase sa London, England.

AB: Pagbuwag ng PNP sa barikada kontra-mina, kinundena ng mga residente sa Nueva Vizcaya