Balita

Pagbuwag sa kontra mamamayan at kurakot na NTF-Elcac, muling ipinanawagan ng mga grupo sa karapatang-tao

,

Muling nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao na buwagin na ang kontra mamamayan at kurakot na National Task Force (NTF)-Elcac kasabay ng paggunita sa ika-pitong taong anibersaryo nito noong Disyembre 4. Sa araw na iyon, nagprotesta ang mga grupo sa pangunguna ng Karapatan sa pambansang upisina ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Quezon City.

Ang NTF-Elcac ay binuo noong Disyembre 4, 2018 sa bisa ng Executive Order No. 70 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Binigyang hugis sa pagkakabuo ng ahensya ang “whole-of-nation approach” na patakarang kontra-insurhensya ng estado. Unang tinipon ni Duterte ang NTF-Elcac noong Mayo 2019. Nireorganisa nito ang burukrasya upang ipailalim sa kontrol ng militar ang iba’t ibang ahensyang sibil.

Ayon sa Karapatan, sa halip na maglaan ng bilyun-bilyong pisong pondo sa NTF-Elcac ay dapat ilaan na lamang ito ng estado sa mga serbisyong panlipunang direktang tatamasahin ng mamamayan. Simula 2019, tumanggap ang NTF-Elcac ng higit ₱30 bilyong badyet mula sa nagdaang mga General Appropriations Act (GAA) para sa operasyon at mga “proyekto” nito. Para sa 2026, nagpanukala ang rehimeng Marcos ng ₱8.8 bilyon para sa ahensya na 314% mas mataas sa badyet ngayong 2025.

“[Ang pondong ito] ay hindi lang pagsasayang sa pera ng bayan, kundi ginagamit para pondohan ang panunupil,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Pangunahing tagapagpatupad ngayon ang NTF-Elcac ng kasalukuyang patakarang kontra-insurhensya ng rehimeng Marcos na National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD).

Sa ilalim ng NAP-UPD, tahasang idineklara ng rehimeng Marcos at NTF-Elcac ang pagtarget sa mga progresibong organisasyong masa at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao. Batay ito sa paulit-ulit na paratang ng rehimen na ang mga organisasyong ito ay mga prente ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.

Sa blangkas nito, walang tigil ang kampanyang Red-tagging at pagbabanta ng mga pwersa ng estado, panggigipit at pang-aatake sa mga aktibista at iba pang nagsasalita at tumitindig. Sa datos ng Karapatan, hindi bababa sa 10 milyong Pilipino ang naging biktima ng Red-tagging ng NTF-Elcac. Ayon kay Palabay, dahil sa Red-taggng ay kumikitid ang espasyo ng diskurso sa mga isyung panlipunan at lumilikha ng takot na magsalita.

Liban sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao, itinutulak ng Karapatan na imbestigahan ang badyet ng NTF-Elcac dahil sa korapsyon. Dati nang binaggit ng mga upisyal ng NTF-Elcac na labas sa natatanggap nitong pondo mula sa GAA ay kumukubra ito ng pondo mula sa unprogrammed allocations (UA) ni Marcos. Sa nagdaang mga taon ay paulit-ulit na ring pinuna ng mga tagapagtuos ng gubyerno ang kabiguan ng ahensya na mag-liquidate ng pondo at nawawalang mga dokumento at transaksyon.

“Ang teroristang ahensyang ito ay sumpa sa mamamayang Pilipino,” ayon kay Palabay. “Dapat itong agad na buwagin.”

AB: Pagbuwag sa kontra mamamayan at kurakot na NTF-Elcac, muling ipinanawagan ng mga grupo sa karapatang-tao