Paggamit ng AI sa sektor ng BPO, tinawag na higit na pagsasamantala ng mga manggagawa
Binatikos ng BPO Industry Employees Network (BIEN) ang papalawak na paggamit ng mga dayuhang kumpanya ng artificial intelligence (AI) sa sektor ng IT-BPM sa Pilipinas. Ayon sa grupo, kapalit ng sinasabi ng mga kumpanya na bentahe mula sa paggamit ng AI, tulad ng mas mataas na produktibidad at efficiency, ang mas mabigat na trabaho at kawalan ng seguridad sa trabaho. Tumataas ang kita mula sa serbisyo, pero hindi ito tinutumbasan ng pagtaas ng sweldo ng mga manggagawa sa sektor.
Reaksyon ang pagbatikos sa naging pahayag ng isang upisyal ng Amazon Web Services Philippines na nagsabing tumaas ang rebenyu at humusay ang operasyon sa Pilipinas dahil sa paggamit ng AI.
Ayon kay Renso Bajala, pangkalahatang kalihim ng BIEN, kabaliktaran ang karanasan ng mga manggagawa sa ipinagmamayabang ng kumpanya.
“Kung ginagawang mas madali ng AI ang trabaho, bakit mas marami kaming pinapasan na gawain, mas mahigpit ang metrics (pamantayan), at mas pinabibilis ang output?” ani Bajala. “Sinasabi ng mga kumpanya ang mga nakamit sa efficiency, pero sa aktwal na sitwasyon, ang ‘efficiency’ na iyan ay nangangahulugang mas kaunting manggagawa ang gumagawa ng mas maraming trabaho.”
Idinagdag ng BIEN na sa maraming kumpanya, pinapasan ng mga manggagawa ang pagbuo ng mga sistema ng AI sa pamamagitan ng pag-aayos (label) ng datos, pagpapahusay ng mga tugon, at pagsuporta sa awtomasyon. Pero kapag gumagana na ang sistema, nagsisimula na ang pagbabawas ng tauhan o paglalagay sa kanila sa “floating status” kung saan walang ibinibigay na trabaho at sweldo ang kumpanya sa manggagawa.
“Ipinapagawa mismo sa mga manggagawa ang mga sistema na hahalili sa kanila,” ani Bajala. “May mga kaso na pagkatapos ng ilang buwang pagsasanay sa AI tools, binabawasan ang mga tim o hindi na sila binibigyan ng regular na trabaho.”
Pinabulaanan din ng grupo ang pahayag ng Amazon na awtomatikong nakikinabang ang mga manggagawa sa paglaki ng kita ng kumpanya dahil sa AI. Ayon kay Bajala, ang mas mataas na kita ng kumpanya at pagbilis ng operasyon ay hindi nagresulta sa dagdag na sweldo, katiyakan sa trabaho at mas maiinam na kundisyon sa paggawa.
Binigyang-diin ng BIEN na kung walang malinaw na proteksyon, lalala ang kontraktwalisasyon, di bayad na dagdag na trabaho, at arbitraryong paglalagay sa mga manggagawa sa “floating status” sa sektor.
“Hindi ang teknolohiya mismo ang problema, kundi kung paano ito ginagamit,” ani Bajala. Sa ngayon, ginagamit ang AI para pumiga ng mas malaking output habang binabawasan ang gastos sa paggawa, at ang mga manggagawa ang sumasalo ng lahat ng pinsala.
Iginiit ng grupo na dapat bigyan ang mga manggagawa ng matibay na proteksyon laban sa arbitrartong paglalagay sa floating status, garantiya sa katiyakan sa trabaho, at kumpensasyon sa epekto ng AI sa kanilang kabuhayan.
“Kapag ang mga manggagawa ang lumilikha ng halaga, hindi sila dapat ang unang itinatapon,” pagtatapos ni Bajala.